TV

Magpakailanman presents 'Puso ng Isang Ina'


Para sa isang ina, wala nang mas hahalaga pa sa kaniyang anak. Pero paano kung ito ang mawala sa kanya?

Single mother si “Becca,” isang babaeng pinangakuan ng habang-buhay pero ipinagpalit lang rin sa iba. Para matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang anak, namasukan siya bilang katulong sa Maynila. Nalayo man siya sa anak, pinaniniwala naman niya ang sarili na naibibigay naman niya ang mga pangangailangan nito.

Hanggang sa isang araw ay ibalita sa kaniya ng kaniyang ina na nawawala si “Jason.”

Habang kumakalat ang balita ng mga batang natatagpuang ninakawan ng mga lamang-loob... Habang laganap pa ang paniniwalang kinikidnap ang mga bata para ipasok sa mga sindikato... Hindi alam ni “Becca” ang gagawin niya para mahanap ang kaniyang anak.

Maniniwala ba siyang buhay pa ito, o dapat na ba niyang tanggapin na kailanman ay hindi na niya ito muling mayayakap.

Alamin ang mga pangyayari sa buhay ni “Becca” sa isang espesyal na pagtatanghal ng Magpakailanman para sa Mother’s Day—ang “Puso ng Isang Ina” starring Sheena Halili, Lani Mercado, Allan Paule, at TJ Trinidad; sa ilalim ng direksyon ni Argel Joseph, sa panulat ni Agnes Uligan, at sa pananaliksik ni Cynthia delos Santos.

Mapapanood ang Magpakailanman ngayong Sabado, May 10, pagkatapos ng Vampire Ang Daddy Ko.