TV

Magpakailanman presents “Girl, Boy, Bakla, Tomboy: The Humawid Family Story”



Matatanggap mo ba ang isang anak na bakla? Paano kung may anak ka rin na tomboy?

Para sa mag-asawang sina Manny at Mia Humawid, isang sumpa ang binigay sa kanila ng Panginoon nang malaman nilang isang bakla ang kanilang panganay, at isa namang tibo ang kanilang pangatlong anak. Gagawin nila ang lahat para ituwid ang kanilang mga anak, sa pag-aakala na magagawa nga nila ito, pero imbis na umayos ang buhay ng mga anak, lalo pa ito masisira.

Mapapahinto si Patrick sa pag-aaral dahil sa kagustuhang kumayod, nang makuhang muli ang pagmamahal ng mga magulang. Habang si Mary Rose naman ay mapapasama sa barkadang bad influence sa kaniya.

Ibubuhos nina Manny at Mia ang kanilang pagmamahal sa kanilang normal na anak, si Senia, pero maging ito ay mapapariwara… dahil naman sa pagiging spoiled sa kanila!

Matututunan ba nina Manny at Mia kung paano palalakihin ng tama ang kanilang mga anak? Maaayos ba nila ang kanilang pamilya bago maging huli ang lahat?

Abangan ngayong Sabado ang isang nakaaantig na kuwento ng isang pamilyang aaralin ang tunay na kahulugan ng pag-ibig at pagmamahalan, sa episode na pinamagatang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy: The Humawid Family Story.”

Itinatampok sina Rodjun Cruz, Joyce Ching, Colleen Borgonia, Jerould Aceron, Byron Ortile, Kyle Ocampo, Ar Angel Aviles, Jim Pebanco at sa espesyal na pagganap nila John Arcilla at Shamaine Buencamino; sa ilalim ng direksyon ni Joel Lamangan, at sa panulat ni Vienuel Ello, mula sa pananaliksik ni Jessie Villabrille.

Magpakailanman airs this Saturday, August 30, pagkatapos ng Marian.