TV

Magpakailanman presents “Kapatid sa Ina”


Dalawang magkaibigan ang magugulat ngayong darating na Sabado sa Magpakailanman— sa kanilang pagtuklas na iisa lang ang kanilang ina!

Jake Vargas reunites with his Strawberry Lane co-actor Kiko Estrada sa isang kakaibang kuwento ng pagkakaibigan at pamilya.

Nagkakilala sina Jason (Kiko Estrada) at Alvin (Jake Vargas) sa mga bangketa ng Divisoria bilang mga kargador, at doon naging magkaibigan. Nang malaman ni Alvin na wala nang pamilya si Jason ay kinaawaan niya ito—at dinala sa sariling bahay, kung saan makikilala ni Jason si Mila (Lotlot De Leon)—ang ina ni Alvin.

Sa simula ay ayaw ni Mila sa bagong kaibigan ni Alvin—hanggang sa matuklasan niya ang isang litrato sa mga gamit ni Jason: isang litrato na may pamilyar na mukha. Mukha ng babaeng kumuha sa panganay niyang anak!

Pero nang malaman ni Mila ang pinaniniwalaang dahilan ni Jason sa pagkawala ng kaniyang ina, natakot itong aminin sa binata ang totoo. Kaya naman palihim siyang bumabawi dito. Magiging maalaga si Mila kay Jason, at maaalalahanin. Mga bagay na mapapansin ni Alvin—at kaiinggitan.

Ano ang gagawin ni Mila kung magkabanggaan ng ulo ang kaniyang dalawang anak? Paano tatanggapin ni Alvin ang katotohanan na kapatid niya pala si Jason? At maniniwala ba si Jason sa mga rebelasyong ibubunyag sa kaniya ni Mila?

Alamin ang mga kasagutan ngayong Sabado, April 25, sa Magpakailanman—pagkatapos ng Pepito Manaloto.

Itinatampok sa ”Kapatid Sa Ina” sina Jake Vargas, Kiko Estrada, at Lotlot de Leon; kasama nina Carl Acosta, Joanna Marie Tan, at si Ms. Luz Fernandez; sa ilalim ng masugid na direksyon ni Albert Langitan, at panulat ni Michiko Yamamoto, mula sa research ni Loi Argel Nova.