TV

Magpakailanman presents “Ang Inang Yaya: The Nieves Limpin story”



This Mother’s Day, isang espesyal na episode ang handog ng Magpakailanman para sa mga taong kasing importante ng mga ina… pero hindi nabibigyan ng parehong importansiya: ang mga Yaya.

Ngayong Sabado, samahan natin si Miss Mel Tiangco sa kaniyang pagtuklas sa kuwento ni Nieves Limpin— o Lola V, kung siya ay tawagin ng kaniyang mga alaga.

Isang babaeng kinalimutan ang sariling kapakanan para magsilbi sa mga taong mahal niya—kadugo man niya o hindi.

Para maalagaan ang kapatid na bulag at ang kapatid na lumpo, maagang namasukan si Nieves bilang isang kasambahay sa mabait na mag-asawang naghahanap ng mag-aalaga sa kanilang anak.

Pero sa kanilang pagtanggap kay Nieves bilang kasambahay, tinanggap rin nila ito bilang parte ng pamilya nila, na tila ba ito ang kanilang panganay na anak.

Ang kabaitan ng kaniyang mga amo, hindi lang sa kaniya kung ‘di sa pamilya rin niya, ang magiging dahilan para magkaroon ng malaking utang na loob si Nieves sa kanila.

Sa pagpasok ni Nieves sa pagdadalaga ay darating ang isang lalaki sa buhay niya na pakiramdam niya ay soul mate na niya: si Tiago. Pero kasabay ng pagdating ni Tiago ay ang sunud-sunod rin na paghihirap sa buhay ni Nieves: mula sa pagkakabundol ng kaniyang kapatid na bulag, at sa pagkamatay ng kaniyang amo na lalaki.

Ganoon pa man, hindi matitinag ang panliligaw ni Tiago. At aalukin pa nito ng kasal si Nieves. Isang alok na hindi tututulan ng nino man sa kaniyang mga mahal sa buhay. Ngunit, kung tatanggapin niya, ito rin ang maglalayo sa kaniya sa mga taong gusto niyang alagaan.

Pagkatapos ng mga paghihirap sa buhay, magagawa ba ni Nieves na puntahan na ang kaniyang happily ever after?

Spanning decades of love and affection, sundan natin ang kuwento ng buhay ni Nieves—ni Lola V—sa kaniyang journey to find love: bilang isang anak, bilang isang kapatid… at bilang isang ina.

Bibida si Nova Villa sa natatanging kuwentong ito ng selflessness at sacrifice bilang si Lola V, with Mona Louise Rey at Ashley Ortega bilang younger versions niya.

“Ang Inang Yaya: the Nieves Limpin Story” also stars Derrick Monasterio, Mickey Ferriols, Lauren Young, Ken Alfonso, Arthur Solinap, Shiela Rodriguez, Miggs Cuaderno, Rustica Carpio, Tanya Gomez, Shelly Hipolito, Danzel Santiago, and Bebong Osorio; sa ilalim ng direksyon ni Ricky Davao, at mula sa panulat ni Senedy H. Que, based sa research ni Karen Lustica.

Magpakailanman airs this Saturday, May 9, pagkatapos ng Pepito Manaloto.