TV

Magpakailanman presents 'Katawan ko, Bayaran mo'



Walang hindi gagawin ang isang mapagmahal na kuya para sa kanyang mga kapatid. Handa s’yang magtiis at pasukin ang trabahong "pagseserbis" sa mga bakla para lamang maibigay ang minimithing pangarap ng kanyang pamilya.

Ngayong Sabado, tunghayan natin ang kwento ni Ariel at ng kanyang mga kaibigan na binebenta ang kanilang mga katawan sa ibang mga lalake kapalit ng malaking pera para sa kanilang mga pamilya.

Panganay si Ariel sa tatlong magkakapatid. Naghiwalay ang kanilang mga magulang at pinabayaan na sila ng kanilang ama. Dahil dito, nagtrabaho si Ariel para itaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Subalit, hindi sapat ang kinikita ni Ariel para tustusan ang malaking gastos ng pamilya. Napilitan tuloy s’ya na tanggapin ang alok ng kanyang barkada na magserbis at ipagbili ang kanyang katawan sa mga bading. Noong una, hindi masikmura ni Ariel ang pagseserbis pero dahil sa patong-patong na problema sa pera. Sa pagseserbis pa rin sya nakakakuha ng pantustos sa mga kapatid, asawa at anak, hanggang naging propesyon na n’ya ito.

Naging patok at mabenta si Ariel sa mga customer n'yang bakla. Naibibigay n’ya ang pangangailangan ng kanyang mga kapatid. Hanggang sa isang araw, nalaman din ng kanyang pamilya kung saan s’ya kumukuha ng pera!

Matanggap kaya ng pamilya ni Ariel ang tunay n’yang trabaho? Paano kung ang sakripisyong ito ang sisira pala ng kanyang pamilya? May pag-asa pa kayang makawala si Ariel sa trabahong ito?

Ating panoorin ngayong Sabado, August 29, ang kwentong pinamagatang “Katawan ko, Bayaran mo."

Itinatampok sina Paolo Contis bilang Jonjon, Rodjun Cruz bilang Ariel, Louise delos Reyes bilang Susan, Eunice Lagusad bilang Eliza, Mikoy Morales bilang Glenn at Juancho Trivino bilang Dennis.

Sa ilalim ng direksyon ni Lord Alvin Madridejos, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto, at pananaliksik ni Karen Lustica.