TV

Magpakailanman presents 'Una S’yang Naging Akin'

Alin nga ba ang mas matimbang pagdating sa pag-ibig, ang iyong kadugo o ang itinitibok ng puso? Huwag palampasin ngayong Sabado sa Magpakailanman ang kakaibang kuwento ng magkapatid na sanggang-dikit noong kabatan, pero sisirain ang magandang samahan ng isang kasalanan.

Kilalanin ang magkapatid na sina Dennis, isang bading, at ang kanyang ate na si Donna. Nang makilala ni Dennis ang bagong salta sa kanilang lugar na si Jonathan, nakapalagayan agad niya ito ng loob. Sa unang beses pa lang na may nangyari sa kanila, itinuring na ni Dennis na boyfriend si Jonathan. Pero naging mapaglaro ang tadhana. Nakilala din ni Jonathan si Donna at mabilis nabuo ang pagtitinginan ng dalawa. Nang magdesisyon si Donna na magsama na sila ni Jonathan, halos gumuho ang mundo ni Dennis nang malaman na ang boyfriend niya ay boyfriend din pala ng ate niya! Pero dahil sa pagmamahal ni Dennis kay Jonathan, unti-unti ay kinuha niya ulit ang loob nito. Sa bawat pagpasok sa trabaho ni Donna, nakakapuslit na may mangyari kina Dennis at Jonathan.

Nagmatyag si Donna kung totoo nga ba ang tsismis tungkol sa kapatid at sa kanyang kinakasama. At huling-huli n’ya nga na gumagawa ng milagro ang dalawa! Nang malaman na nauna pala kay Jonathan si Dennis, nagpaubaya si Donna. Pero nagkaayos muli sila ni Jonathan, at nangako si Dennis na hindi na mauulit ang nangyari, na pinaniwalaan naman ni Donna. Hanggang sa malaman niyang patuloy pa rin pala ang relasyon ng dalawa! Tuluyan nang lumayo si Donna at hindi na nagpakita kina Dennis at Jonathan. Mapapatawad pa kaya ni Donna si Dennis at Jonathan o hahayaan na lang niya na tuluyang magsama ang dalawa? Ano nga ba ang magiging daan para muling maayos ang relasyon ng magkapatid?

Abangan sina Glaiza de Castro, Norman “Boobay” Balbuena at Dominic Roco sa isang kakaibang kuwento ng pagpaparaya para sa pagibig at pamilya kasama sina Mike Lloren, Mimi Juareza, Zymic Jaranilla at Sasha Baldoza.

Ang “Una S’yang Naging Akin” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Argel Joseph, mula sa panulat ni Senedy Que at pananaliksik ni Loi Argel Nova.

Alamin ngayong Sabado kung paano mananaig ang kapatawaran at pagmamahal sa pamilya, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.