TV

Magpakailanman presents 'Dalawang Babae, Isang Anak'


Tunghayan ngayong Sabado sa Magpakailanman ang kakaibang tambalan nina Lovi Poe at Louise delos Reyes bilang lesbian couples.

Kilalanin ang karakter ni Lovi na si Jack – isang butch lesbian na ginahasa at nabuntis. Samahan siya at ang kasintahan niyang si Kat sa isang makulay ngunit masalimuot na paglalakbay ng pagdadalang-tao at pakikipagsapalaran sa mga problema para maitawid ang pagbubuntis.

Dahil produkto ng isang broken family, sa murang edad ay natuto na si Jack na tumayo sa sariling paa. Sa pagba-buy and sell ng mga gadgets ay nakilala niya si Jojo, isang foreman na itinuring na rin niyang tatay-tatayan.

Naging kaagapay ni Jack sa buhay ang girlfriend na si Kat. Umalis ng bahay si Kat at mas piniling sumama kay Jack. Nang ipakilala ni Jack si Kat kay Jojo, nagkaroon ito ng interes kay Kat. Mahal na mahal ni Jack si Kat at nangakong poprotektahan ito matapos ilang beses na muntik magahasa. Pero hindi niya inasahan na mismong siya pala ay makakaranas ng ikinakatakot para sa kasintahan.

Nang minsang malasing si Jack, siya ang pinagsamantalahan ni Jojo. Pinilit ni Jack na kalimutan na lang ang nangyari. Pero nang malamang buntis siya, binalikan niya si Jojo ngunit hindi na niya ito natagpuan.

Itinago ni Jack kay Kat ang nangyari sa takot na iwan siya nito. Pero nang malaman ni Kat ang pagbubuntis niya, nangako itong tutulungan siyang palakihin ang bata, dahil na rin sa pagmamahal nito kay Jack. Pakiramdam naman ni Jack ay nagdala ng kamalasan sa kanya at sa relasyon nila ni Kat ang bunga ng panggagahasa ni Jojo. Sinubok nito ang kanilang relasyon. Saan dadalhin si Jack ng isang karanasang kahit kailan ay hindi niya pinangarap? Hanggang saan naman dadalhin si Kat ng pagmamahal niya para kay Jack?

Huwag palampasin ang kakaibang tambalan nina Lovi Poe at Louise delos Reyes sa isang kuwento ng paglalakbay ng dalawang babae para buhayin ang isang batang produkto ng panggagahasa. Makakasama rin nila sa episode sina Gilleth Sandico, Juliene Mendoza, Paolo Rivero, Mike Magat, Dexter Quindoza at Ms. Gina Alajar.

Ang “Dalawang Babae, Isang Anak” ay sa ilalim ng direksyon ni Ricky Davao, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at pananaliksik ni Loi Nova.

Mapapanood ngayong Sabado, January 23, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.