TV

Magpakailanman presents 'My Missing Carrot Man: The Tyson Destor Story'

Isang biyaya na ang maituturing mula sa maykapal ang pagkakaroon ng isang anak. Ngunit paano na lang kung ang isa sa magiging supling ay kakikitaan ng kakaiba sa pananalita o pagkilos kumpara sa ibang anak o batang nakakasalamuha?

Bilang magulang, tatanggapin mo ba ito ng buong puso o ikakahiya?

Ano ang epekto nito sa ibang anak na naghahanap din ng pagkalinga at atensiyon na halos nababaling na lamang sa kanya?

Tubong Angeles Pampanga si Marivic na may limang anak. Ang pangatlo nyang anak na si Tyson ay may “Autism”. Hindi agad napansin ni Marivic na may kakaiba sa anak hanggang sa ito ay maglimang taon. Dahil sa kawalan nila ng pera, pinagsisihan ni Marivic na hindi agad naipatingin sa espesyalista ang anak. Hanggang taong 2014 nang subukin ulit ang katatagan niya bilang ina.

Magpapasko noon, nagising na lamang si Marivic na hindi na katabi ang anak na si Tyson. Mula Angeles, nakarating sila ng Mabalacat… Halos mahalughog na ang buong Pampanga ngunit 'di pa rin nila nakita si Tyson. Mahirap man ay pinipilit ni Marivic na maging matatag at umaasang maibabalik sa kanya ang anak na si Tyson…

Iba’t ibang emosyon ang inyong mararamdaman sa kabuuan ng ating kuwento kung saan tampok ang isang binata na naging viral din sa social media. Hindi po si “Carrot Man” kundi ang batang kamukhang-kamukha niya!

Alamin kung ano ang kinalaman ni “Carrot Man” sa ating totoong kuwento tungkol sa isang bata na may kondisyon na kung tawagin ay “Non-verbal Autism Spectrum Disorder.”

Abangan si Elyson de Dios (Starstruck VI’s 1st Prince) sa isang natatanging pagganap bilang "Tyson”.

Makakasama din sina Angel Aquino, Lawrence Pineda, Enzo Pineda, Renz Valerio, Nicole Dulalia at Milkcah Nacion.

”My Missing Carrot Man: The Tyson Destor Story” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Michael de Mesa, sa panulat ni Loi Argel Nova at pananaliksik ni Cynthia Delos Santos.

Tutukan yan ngayong sabado, April 16, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines.