TV

Magpakailanman presents 'My Little Wife'

Ano nga ba ang pakiramdam ng isang tao kung ang kanyang kaanyuan ay kakaiba kaysa sa nakasanayan at tinatawag nating normal?

Unano, pandak, bansot at kung anu-ano pang mga taguri at bansag ang naranasan ni Lorna hanggang sa kanyang pagdadalaga. Bagay na kanyang nakasanayan at tinanggap dahil siya’y ipinanganak na isang “midget” at siya’y gumagalaw sa mundo ng mga “normal” na tao. Hindi rin niya alintana ang itsura para makipagsapalaran sa pag aaral at paghahanapbuhay. Para sa kanya kung ano ang kayang gawin ng isang normal na tao ay kaya ring gawin ng isang midget na katulad niya. Subalit sadyang limitado lang ang mga maari niyang gawin at marating sa buhay lalo na pagdating sa usapin ng pag–ibig. Tanggap niyang isang midget din ang kanyang mapapangasawa balang araw.

Magbabago ang buhay ni Lorna ng dumating sa buhay niya si Teddy, isang lalaking normal ang height at pangangatawan. Liligawan at paiibigin siya nito sa kabila ng pagtutol at pangungutya ng mga taong nakapaligid sa kanila. Hindi papipigil si Teddy sa isinisigaw ng kanyang puso kahit pa noong una ay pagdudahan ni Lorna ang kanyang intensyon.

Sila’y dalawang tao na magkaiba ang pisikal na kaanyuan. Dalawang puso na pinagtagpo ng tadhana. Isang pagmamahalang pinulaan, kinutya at pinagtawanan ng lahat… isang pag–ibig na nagpamalas sa tatag ng dalawang pusong sumumpa hanggang kamatayan…

Ito ang kwento ng pag–ibig at buhay pamilya nina Lorna at Teddy Francisco… sa episode na pinamagatang “My Little Wife”, na gagampanan nina Jay Manalo, Hiro Peralta, Shyr Valdez, Debraliz, Marnie Lapus, Elle Ramirez, Analyn Barro, Nikki Co and Josephine Berry.

Sa direksyon ni LA MADRIDEJOS at sa panulat ni MICHIKO YAMAMOTO, mula sa pananaliksik ni RODNEY JUNIO.

Ngayong Sabado, sa programang nagtatampok ng tunay na kwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Lip Sync Battle Philippines.