TV

Magpakailanman presents 'Maid for each other'

Ang tunay na nagmamahal ay kayang ipaglaban ang kanyang pag-ibig pero paano kung ang pagmamahal n’yang ito ay tila laban sa nakasanayan na ng ating lipunan?

Ngayong Sabado, panoorin natin ang totoong kwento ni Lani –   isang misis na umibig sa kasambahay n’yang babae!

Ikinasal sina Lani at Simon. Sa simula ay maayos ang kanilang pagsasama pero nagbago ng ugali si Simon nang malaman n’yang baog si Lani.

Naging lasenggero at babaero s’ya.   Madalas, sinasaktan din ng pisikal ni Simon si Lani.

Ang kasambahay nilang si Elena ang laging napagbubuhusan ni Lani ng sama ng loob. Mabait naman si Elena at laging nakahandang makinig sa mga problema ni Lani. Lagi ring pinasasaya ni Elena si Lani.  'Di nagtagal, naging malapit sina Lani at Elena sa isa’t isa.

Hanggang sa dumating ang araw na iba na ang nararamdaman ni Lani kay Elena. Ang pagmamahal n’ya kay Elena ay higit pa sa isang kaibigan. 

Pinilit ni Lani na labanan ang kanyang nararamdaman pero sa huli, inamin din n’ya ang totoo kay Elena. Masaya naman si Elena sa pag-amin ni Lani dahil pareho lang pala sila ng nararamdaman. Pero itinago nila ang kanilang relasyon sa takot na husgahan sila ng mga tao.

Isang araw, nabuking din ni Simon sina Lani at Elena. Nagalit s’ya at sinaktan ang dalawang babae. Ginahasa n’ya rin si Elena! Nabuntis ito at inagaw ni Simon ang sanggol. Pinagbantaan din ni Simon sina Lani na ipahihiya n’ya ang mga ito sa mga tao kapag nagsumbong sila!

Paano makakawala sina Lani sa pagpapahirap ni Simon? Mabawi pa kaya ni Elena ang anak n’ya? Higit sa lahat, paano ipaglalaban nina Lani at Elena ang kanilang pag-ibig kung ang lipunan naman ay hinuhusgaan na sila?

Ngayong Sabado, July 2, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “MAID FOR EACH OTHER.” Itinatampok sina Katrina Halili, Dion Ignacio, Winwyn Marquez at Lui Manansala.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Gina Alajar, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik ni Karen P. Lustica.