TV

MUST-READ: Donita Nose, umahon mula sa pagtitinda sa palengke sa pagiging 'Wowowin' host

By CHERRY SUN

Sikat na sikat ngayon ang komedyanang si Donita Nose ng Wowowin, ngunit bago niya naabot ang estado ng kanyang buhay ay iba’t ibang pagsubok ang kanyang naranasan.
 
Noong walo o siyam na taong gulang si Rodello Juntos Solano, totoong pangalan ni Donita Nose na may palayaw rin na Ogie, namulat siya agad sa kahirapan. Kinailangan niyang magtrabaho tulad ng iba pa niyang mga kapatid matapos magkasakit ang kanilang ama na OFW.
 
Nagtinda siya ng plastic sa palengke at nagtulak ng kariton ng mga panindang saging habang ipinagsasabay ito sa kanyang pag-aaral. Nang hindi na siya kayang pag-aralin ng kanyang magulang, ipinaubaya siya ng kanyang ina sa tiyuhin niya sa Iligan. Dito ay nakaranas siya ng pagmamalupit.
 
Nang makalipat si Donita Nose sa kanyang mga kamang-anak sa Zamboanga ay mas guminhawa ang kanyang buhay. Gayunpaman, pinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pagiging working student.
 
Ginapang niya pataas ang pagtatrabaho sa isang mamahaling restaurant. Nagsimula siya bilang isang janitor. Lumao’y naging dishwasher siya at naging assistant sa kusina. Nang kakitaan siya ng husay ng kanyang employer ay pinagtrabaho na siya bilang receptionist at kahera. Hindi nagtagal ay naging party host din siya.
 
Donita Nose
Mula rito, unti-unti na siyang pumasok sa comedy bars. Si Donita Rose na dating VJ daw ang kanyang naging inspirasyon.
 
Aniya sa panayam ng Magpakailanman, "Favorite ko kasi si Donita talaga noon pa. Nagagandahan ako tapos ang galing mag VJ, as in ang galing niyang VJ. Naaano talaga ako sa kanya, natutuwa ako. So pineg ko siya. ‘Ay Donita ako, Donita ako.’ Ganun.”
 
“Tapos ‘yung nose na ‘yun, may nakilala akong isang kaibigan na parang, ‘Ang pangit, parang medyo bitin ‘yung pangalan mo 'pag Donita lang,’ sabi niya. ‘Dagdagan na lang natin. Ano kaya? Nose na lang.’ Siyempre hindi kami puwede mag-Donita Rose kasi siya ‘yun. ‘Nose na lang, Donita Nose kasi matangos naman ‘yung ilong mo. So ‘yan na lang gawin natin, Donita Nose.’ Hanggang sa ‘yon nakasanayan ko na. ‘Yun, Donita Nose na ‘yung ginagamit ko palagi,” patuloy niya.
 
Wowowin
Naging contestant si Donita Nose sa Wowowin at ito ang naging tulay para permanente siyang maging bahagi ng programa.
 
Nag-showdown sila ni Jonalyn Viray at naging viral ang kanilang performance. Nakuha niya ang atensiyon ni Willie at naanyayahang maging isang jester co-host.
 
Kuwento ni Donita Nose, “Gusto ni Kuya kung ano energy niya, kailangan maaano mo ‘yun eh, ma-meet mo rin ‘yun eh. So kailangan sabayan ko siya kahit papaano, so parang doon kami nagka-[palagayan] ni Kuya Wil ng loob na parang ‘yung energy ko ganito, tapos siya ganito. So masaya, hanggang sa ‘yun na. Ang nangyari parang hindi na niya ako pinag-jester, kinuha niya ako as host na talaga.”
 
Tuluyan nang nagbago ang buhay at career ni Donita. Utang na loob daw niya ito kay Kuya Wil.
 
Mensahe niya kay Willie, “Sobrang laking at sobrang pasasalamat ko po sa inyo Kuya dahil kayo po ang nagbukas sa akin ng isang napakalaking pintuan para po makita po ng mga Kapuso natin ang aking talento, kung ano po meron ako ngayon. At salamat po ng marami dahil hindi n'yo po ako pinabayaan. At the same time po, hindi n'yo po inisip kung ano man pong kasarian meron ako. ‘Yung gender ko para sa inyo, kung bading man ako o babae o ano, hindi n'yo po pinansin ‘yun kasi ang gusto n'yo lang po is kung ano'ng klaseng trabaho ang kaya kong ibigay sa inyo.”
 
“Sobra po akong nagpapasalamat sa inyo dahil sa inyo po, sobrang nagbago ang buhay ko. Hindi lang po sa pamilya ko, hindi lang sa mga taong nakakasalamuha ko araw-araw sa labas, kundi sa buong mundo. Kaya maraming maraming salamat po talaga sa ’yo Kuya Wil. Utang ko po kung ano man po meron ako ngayon dahil po sa inyo ‘to. Kaya hangga’t nandito po ako kung mamarapatin n'yo, andito pa rin po ako para sa inyo. Salamat Kuya. Mahal ko po kayo,” pagtatapos niya.


MORE ON DONITA NOSE:
 
WATCH: DonEkla, ang bagong funny tandem sa' Wowowin'
 
WATCH: DonEkla, nagkuwento kung paano nabuo ang kanilang tandem sa 'Wowowin'
 
EXCLUSIVE: 'Wowowin' hosts, masaya sa paglaki ng kanilang pamilya