TV

Magpakailanman presents 'May Forever: The Ariel Cruz and Julieta Manuel story'

“Totoong may forever”, ito ang paboritong bukambibig ngayon ng mag-asawang sina Ariel at Juliet Cruz. 

High school batch mates from 40 years ago, hindi man lang sila naging item or magkarelasyon. Konserbatibo si Juliet. Hindi naman type ni Ariel ang mga kayumangging kagaya ni Juliet. Para kay Ariel ang maganda sa babae ay iyong mga mapuputi at tisay na tisay ang itsura.

Nang makagraduate ng high school hanggang magkita silang muli nitong nakaraang taon ay wala sila ni anumang komunikasyon sa isa’t isa. Ang alam lang ni Juliet tungkol kay Ariel ay nagka-asawa na ito at nagkaroon ng anak. Si Ariel naman ay wala ni anumang balita kay Juliet. Hindi niya alam na si Juliet ay dumaan sa ilang beses na pagkabigo sa mga lalaking minahal nito habang nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi rin alam ni Juliet na namatay sa sakit na cancer ang asawa ni Ariel.  

Pero dahil sa social media at sa nalalapit nilang High School reunion, na reconnect ang dalawa. Hindi pa makapaniwala si Ariel noong una na ang dating maitim at payat na si Juliet ay isa ng maputi at magandang babae ngayon. Dali dali niya itong ini-add sa kanyang Facebook friend list at pinadalhan ng mensahe. Tinanggap naman ito ni Juliet at iyon ang naging simula ng kanilang magandang pagtitinginan.

Dahil sa takot na masaktan gaya ng naranasan sa mga unang lalaking minahal at kamamatay lang ng asawa ni Ariel kung kaya’t noong una ay nagkaroon ng alinlangan si Juliet subalit dahil sa nakita niyang tunay ang intensyon ni Ariel ay tinanggap niya ito sa kanyang buhay.

Noong una ay natakot din sila dahil sa iniisip nila ang sasabihin ng ibang tao sa kanilang relasyon. Inaalala din nila kung matatanggap ng kani-kanilang mga anak ang kanilang pag-ibig subalit matapos maipakilala ang isa’t isa sa mga anak nila ay malugod silang tinanggap ng mga ito.

Nito lamang June 17, 2017 ay ikinasal sila sa isang napaka solemn na pagtitipon kasama ang kanilang mga anak, pamilya at mga kaibigan. 

Totoong may forever. Ito ang istorya nina Ariel at Juliet. 

Sa muling pagtatambal nina Janice De Belen at Gabby Concepcion, tunghayan sa Magpakailanman ang kwento ng dalawang tao na hindi nawala ang tiwala sa kapangyarihan ng tunay na pagmamahal.

Itinatampok sina Gabby Concepcion bilang Ariel at Janice De Belen bilang Juliet/Babes.

Kasama nina Inah De Belen bilang young Babes, Jeric Gonzales bilang young Ariel, Thea Tolentino bilang young Mila, Lovely Rivero bilang mama, Simon Ibarra bilang papa, Dea Formilleza bilang Joanna, Elle Ramirez bilang Jam at Bruno Gabriel bilang Christian.

Sa direksyon ni Ms. Gina Alajar, sa panulat ni Agnes Gagelonia-Uligan at sa pananaliksik ni Rodney Junio.

Mapapanood ngayong Sabado, June 24, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao,Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.