TV

EXCLUSIVE: Jak Roberto, inaming matagal hinintay ang lead role sa 'Magpakailanman'

By Michelle Caligan

Ngayong Sabado, September 9, ay mapapanood ang Kapuso actor na si Jak Roberto sa kanyang unang lead role bilang si Buboy sa Magpakailanman.

WATCH: Magpakailanman Teaser Ep. 246: "Mga Sikreto ng Aking Pamilya"

Sa isang exclusive interview with GMANetwork.com, inamin ni Jak na matagal niyang hinintay ang pagkakataong ito.

"Matagal ko na po kasing hinintay 'to eh, kasi gusto ko po talagang umarte sa Magpakailanman, ipakita doon kung ano man ang kaya kong ibigay. Kasi kapag sinabi nating Magpakailanman, alam natin na heavy drama. Ako sobrang natsa-challenge ako sa ganun. Gusto ko rin magawa ang mga ganung kahirap na role."

Aniya, dati pa raw may offer sa kanya pero dahil sa Meant To Be ay ngayon lang ito nangyari.

"Nung nag-Meant To Be kasi kami, alam ko nire-request na ako sa Magpakailanman pero hindi natutuloy dahil busy sa promo at sa taping. Pero this time, sobrang saya ako at nagpapasalamat ako sa Magpakailanman at sa GMA Network na finally natuloy na ang isa sa mga nasa bucket list ko."

Hindi naman daw inasahan ni Jak na ganitong role ang ibibigay sa kanya, at sobra-sobra pa raw ito sa kanyang inasahan.

"'Yung nire-request ko lang talaga ay ang magkaroon ako ng isang episode sa Magpakailanman. Hindi ko na po alintana kung ano ang ibibigay sa aking role, basta gusto ko lang po talaga mag-Magpakailanman dahil once na nakapag-Magpakailanman ka, talaga namang mas lalo mong maho-hone ang acting mo, mabibigay mo lahat ng emotion."

Abangan si Jak Roberto sa Magpakailanman mamayang gabi pagkatapos ng Pepito Manaloto.