TV

Magpakailanman presents 'Anak Mo, Anak Ko, Anak Natin'

Isang batang nawalay sa totoo niyang ina, ngunit nakatagpo ng isa pang ina na nagmahal at nag-aruga sa kanya sa maraming taon. Aling ina ang mas may karapatan sa pagmamahal niya?
 
Ngayong Sabado, tunghayan sa Magpakailanman ang viral story ni Ramram at ng kanyang dalawang ina.
 
Mula sa Mindanao ay nagdesisyong lumipat manirahan sa Maynila si Hani kasama ang asawa niyang si Yasser at ang dalawa pa nilang anak na sina Ramram at Janine, para makalimot sa pagkamatay ng apat na buwan pa lang nilang bunsong anak noon na si AJ. Pero ilang buwan pa lang silang naninirahan sa Maynila, isang dagok na naman ang dumating sa buhay ni Hani, nang makidnap ang isa pa niyang anak na si Ramram.
 
Wala pang muwang noong si Ramram nang matagpuan ni Mary Jane sa loob ng inuupahan niyang boarding house sa Tondo. Iniwan daw ito ng umano’y mga magulang nito sa may-ari ng boarding house na si Diding ngunit hindi na binalikan. Dahil sa awa, simula noon ay nagpalitan sina Diding at Mary Jane sa pag-aalaga sa bata na tinawag nilang Joshua. At hindi nagtagal, tuluyan na itong napunta sa pangangalaga ni Mary Jane.
 
Sa pagdaan ng maraming taon, habang binubusog ni Mary Jane sa pagmamahal si Ramram/Joshua, binigyan ng lahat ng pangangailangan bilang isang bata at itinuring na parang totoong anak, tuluyan namang gumuho ang mundo ni Hani. Na-depress siya at napabayaan niya na din ang panganay niyang anak na si Janine. Unti-unting naglaho ang kanilang negosyo at nagkaroon ng lamat ang relasyon nila ni Yasser. Nangibang-bansa si Yasser at hindi na muling nagpakita sa kanila.
 
Pitong taon ang dumaan, ngunit hindi pa rin sumuko si Hani sa paghahanap sa anak. Nagpakalat siya ng mga litrato ni Ramram sa social media at naglabas pa ng pabuya para sa makakapagturo sa kinaroroonan nito. Naging viral ang kwento ni Hani sa social media at ito ang naging hudyat ng muli nilang pagtatagpo ng nawala niyang anak na si Ramram, ngunit pagbubukod naman sa pagsasama nina Ramram at ng itinuring nitong ina na si Mary Jane.
 
Matatanggap kaya ni Ramram ang tuluyang pagbawi sa kanya ni Hani? Matapos ang maraming taon ng pagkakalayo, paano maibabalik ni Hani ang pagkilala sa kanya ni Ramram bilang tunay nitong ina? Tuluyan na nga bang mawawala kay Mary Jane si Joshua? Paano niya tatanggapin ang paghihiwalay nila matapos maipadama sa kanya ni Joshua ang pagiging isang ina?
 
Inihahandog ng Magpakailanman ngayong Sabado ang isa na namang pang-anibersaryong presentasyon, na tiyak na kukurot sa inyong mga puso. Pangungunahan ng mga aktres na sina Yasmien Kurdi at Sharmaine Arnaiz ang kwento ng dalawang ina na may isang anak. Makakasama din nila sa episode sina Ina Feleo, Richard Quan, Dentrix Ponce, Euwenn Aleta, Bing Davao, Erlinda Villalobos, Jayzelle Suan, Elijah Alejo, Liezl Lopez at Mae Bautista.
 
“Ang Batang May Dalawang Ina” ay sa ilalim ng direksyon ni Gina Alajar, mula sa panulat ni Honey Hidalgo at pananaliksik ni Loi Nova. Dito lang sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.