TV

Magpakailanman presents 'Kuwentong Marawi sa Mata ng Isang Sundalo'

Bilang bahagi ng ika-limang anibersaryo ng Magpakailanman, tunghayan ang isang natatanging pagganap ni Pambansang Bae Alden Richards bilang si PFC Jomille Pavia, isang magiting na sundalo na itinaya ang sarili sa pakikipaglaban sa mga terorista at pagliligtas ng maraming buhay sa Marawi City.

Mula sa pagiging lapitin ng basag-ulo, papasukin ni Jomille ang pagsusundalo para makatulong sa kanyang pamilya. Bagama’t napakabata, isa si Jomille sa mga sundalo ng Mechanized Infantry Division na ipinadala noong May 23, 2017 para tugisin ang isang kuta ng mga terorista at drug syndicate sa Marawi City. Ang hindi niya alam, ito na pala ang magiging hudyat ng isang digmaan sa pagitan nilang mga sundalo at ng mga teroristang umookupa na at sumasakop sa lungsod—isang digmaang hindi niya lubos maiintindihan ang dahilan.

Gayun pa man, inihanda na ni Jomille na itaya ang kanyang buhay sa pakikipagsagupa sa mga teroristang Maute-Isis at pagbabalik ng kaayusan sa lungsod ng Marawi. Sa kabila ng mga sugat na natamo niya sa katawan, hindi iniwan ni Jomille ang kanyang unit at nagpatuloy sa pagliligtas ng napakaraming sibilyan na naipit sa gitna ng digmaan. Habang ang kanyang pamilya ay nagdurugo naman ang mga puso sa pag-aalala para sa kanya.

Maraming araw at linggo ang bibilangin na makikipaglaban si Jomille sa Marawi. Pero bukod sa kanyang pamilya at pagmamahal sa bayan, ang isa pang nagpapatibay ng kanyang loob para lumaban ay ang iba pang umusbong na kuwento ng pagsasakripisyo at kabayanihan mula sa mga kapwa n’ya sundalo at sa mga sibilyan.

Hanggang saan kakayanin ng lakas ng pangangatawan at tibay ng loob ni Jomille ang kanyang pagsabak sa gyera para mabawi ang kasarinlan ng syudad ng Marawi? Anong mga aral ang kanyang matutunan at babago sa buhay niya mula sa iba pang kuwento ng pagsasakripisyo at kabayanihan na kanyang masasaksihan sa gitna ng digmaan?

‘Wag palagpasin ang maaaksyon at mga nakadudurog-ng-pusong mga tagpo na dinanas ng ating mga sundalo at ng mga residente ng Marawi sa isang napakahabang digmaan kung saan maraming buhay ang naibuwis at nasayang.

Abangan si Pambansang Bae Alden Richards, ang Best Actor for Single Performance sa nakaraang Star Awards, sa natatanging pagbibigay-pugay ng Magpakailanman sa mga sundalo na lumaban, sumaklolo at nagbuwis ng buhay para sa ating mga kapwa Pilipino at para sa kalayaan ng Marawi City. Makakasama din niya sa episode sina Roi Vinzon, Susan Africa, Reese Tuazon, Ervic Vijandre, Phytos Ramirez, Perla Bautista at Mark Justine Alvarez.

Ang “Kwentong Marawi sa Mata ng Isang Sundalo” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Mark Dela Cruz, mula sa panulat ni Loi Nova at pananaliksik nina Rodney Junio at Stanley Pabilona. Mapapanood ngayong Sabado, November 25, ang pinakahuli, pinakamalaki at maipagmamalaking ika-limang anibersaryong handog ng programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.