TV

Magpakailanman presents 'Anak ng Kasinungalingan'

Hanggang kailan mo kayang panindigan ang isang kasinungalingan para pagtakpan ang isang malaking pagkakamali na maaaring sumira sa masayang pagsasama n’yo ng iyong minamahal?

Ngayong Sabado sa Magpakailanman, dalawang babaeng nagmamahalan ang haharap sa mga panganib at pinsalang dala ng paglilihim at panlilinlang.

Ito ang kwento nina Ana at Grace, na nagsimula bilang matalik na magkaibigan matapos magkakilala sa pabrikang kanilang pinagtatrabahuhan. Nangupahan si Ana sa isang kwarto sa compound nina Grace kung saan naninirahan din ang pamilya ni Grace, at naging sandigan nila ang isa’t-isa sa tuwing nagkakaproblema sila sa mga lalaking kanilang nagiging karelasyon. Dahil dito, naramdaman ni Ana na nakabuo na pala siya ng kakaibang pagtingin kay Grace, na higit pa sa isang kaibigan.

Naging mahirap man, tinanggap ni Ana ang kanyang kakaibang pagtingin sa kapwa babae at ipinagtapat niya kay Grace ang kanyang nararamdaman. Laking tuwa naman n’ya nang umamin si Grace na gusto din siya nito. Hindi pa man nagtatagal ang isinikreto nilang relasyon ay nalaman din agad ito ng tatay ni Grace na si Junior. Nagalit ito sa kinahinatnan ng anak at sa pakikipagrelasyon nito kay Ana. Pero ipinaglaban nina Ana at Grace ang pagmamahalan nila na ‘di naglaon ay natanggap na din ni Junior.

Nagsikap sina Ana at Grace para makamit ang pinapangarap nilang isang masayang pamilya. Kaya nangibang-bansa si Grace para makaipon sila ng sapat na pera. Naiwan si Ana sa compound at si Junior ang madalas niyang nakakasama. Hanggang isang gabi, dahil sa kalasingan, may nangyari kina Ana at Junior. Alam nilang wala sila sa maayos na pag-iisip nang gawin nila iyon kaya pinili nilang kalimutan na lang ang nangyari. Pero hindi pala doon nagtatapos ang problema. Nalaman ni Ana na buntis siya.

Sa takot na malaman ito ni Grace at iwan siya, nagdesisyon si Ana na bumuo ng isang kasinungalingan para pagtakpan ang pagkakamaling ginawa nila ni Junior. Anong kasinungalingan kaya ang handa niyang panindigan para protektahan ang pagsasama nila ni Grace? Lalabas pa nga kaya ang katotohanan? Ano ang magiging epekto nito sa pagsasama nina Ana at Grace at sa relasyon ni Grace sa kanyang tatay na si Junior?

Sa pangunguna nina LJ Reyes, Chynna Ortaleza at Tonton Guttierez, tunghayan ang kwentong pinamagatang “Anak sa Kasinungalingan”, sa ilalim ng direksyon ni Don Michael Perez, mula sa panulat ni John Roque at pananaliksik ni Loi Argel Nova. Mapapanood ngayong Sabado, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.