TV

Magpakailanman presents 'Anak ng Kabit'

Ngayong Sabado sa Magpakailanman, tunghayan kung paano hinarap ng isang anak ang isang ipinagdamot na katotohanan na unti-unting bumago sa kanyang buhay… ang pagiging anak ng isang kabit.

Bata pa lang, ang nais ni Joyce ay ang makasal na ang kanyang mga magulang na sina Mira at Ruel. Isa siyang daddy’s girl at mahal na mahal niya ang kanyang ama kahit pa hindi niya ito madalas makasama. Isang sundalo si Ruel at madalas nadedestino sa malalayong lugar. Kaya naman, sinusulit ni Joyce ang mga oras sa bawat araw na nakakasama niya ito. Hanggang isang araw, isang babae ang sumugod sa kanilang bahay at nagpakilalang legal na asawa ng kanyang ama. Napagtanto ni Joyce na kaya pala hindi makapagpakasal ang kanyang mga magulang, ay dahil kasal sa iba ang kanyang ama at hindi sila ang orihinal at legal nitong pamilya.

Dahil sa nalaman, nagrebelde si Joyce. Naging mapusok ito, at maagang nabuntis at nagkapamilya. Patuloy namang pinatunayan at pinanindigan ni Ruel ang pagiging ama kay Joyce at paulit-ulit itong humingi ng tawad sa anak. Pero nahirapan si Joyce na mapatawad ang ama.

Hanggang unti-unting iginupo ng isang karamdaman ang katawan ni Ruel. Dahil dito, tuluyan na siyang umuwi sa orihinal niyang pamilya at naging madalang na ang pagdalaw niya kina Joyce. Saka napagtanto ni Joyce ang kalahagahan sa kanya ng kanyang ama. Gusto niya itong pagsilbihan at alagaan. Gusto niyang suklian ang sa tingin niya ay kabutihan at pagmamahal na ibinigay sa kanya ng kanyang ama, sa kabila ng paglilihim nito tungkol sa kanyang katauhan.

Pero paano niya matutulungan ang naghihirap na si Ruel, ngayong ayaw silang bigyan ng orihinal nitong pamilya ng pagkakataong magkita? Paano ngayon ipaglalaban ni Joyce ang karapatan niya bilang anak para pagsilbihan at makapiling ang mahal na ama?

Sa pangunguna ni Carla Abellana, tunghayan ang kwento ng isang anak at ng kanyang ama, at ang pagmamahal nila sa isat-isa na nanganib mawasak ng isang malaking kasinungalingan. Makakasama rin sa episode sina Roi Vinzon, Yayo Aguila, Bruno Gabriel, Sheila Marie Rodriguez, Tanya Gomez, Rafa Siguion Reyna, Angela Evangelista at Gigi Locsin.

Ang “Anak ng Kabit” ay sa ilalim ng direksyon ni Conradu Peru, mula sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Argel Nova.

Mapapanood ngayong Sabado, June 30, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao,

Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.