TV

Magpakailanman presents 'Kulam ng Karibal'

Bata pa lang si April ay bukas na ang kanyang third eye. Marami na siyang nakikitang kung anu-anong elemento at kaluluwa. Minsan biglang nawala ng bahay nila si April. Nang muli siyang bumalik pagkalipas ng ilang araw, sinabi niya sa kanyang magulang na sinama lang siya ng kanyang kaibigang duwende sa kanilang kaharian.

Dahil dito, natakot ang mga magulang ni April na baka makasama ito sa kanya. Kaya ng maging teenager na si April ay pinaluwas siya ng mga magulang sa Maynila para doon na mag-aral at para malayo na rin siya sa mga paranormal.

Naging normal naman ang buhay ni April sa kolehiyo. Doon ay nakilala niya si Harold, na agad din naman niyang naging kasintahan. Sa una ay mabait at mabuting nobyo naman si Harold. Pero kinalaunan ay nadiskubre ni April na may pangit palang ugali ito, bukod sa possessive at seloso. Kaya nagdesisyon si April na hiwalayan na lang si Harold.

Pero hindi natanggap ni Harold ito. Patuloy pa rin niyang sinusundan at kinukulit si April. Hanggang makapagtapos, magkatrabaho at magkanobyo ng bago ay patuloy na ginugulo ni Harold si April. Nagbanta pa ito kay April - na kung hindi lang daw ito magiging kanya, walang iba ang makikinabang kay April.

Isang umaga, nagising na lamang si April na kung anu-ano ang tumubong bukol at sugat sa mukha. Kumunsulta siya sa Doctor pero wala naman daw itong nakitang sakit. Kaya sa isang albularyo nagpatingin si April. Dito niya natuklasan na siya ay pinakukulam. At ang nagpakulam sa kanya ay walang iba kundi ang dating nobyong si Harold.

Sa tulong ng albularyo at sa pag-aalaga ng bagong nobyong si Gerald, ay gumaling din naman si April. Muli na namang bumalik sa normal ang lahat.

Hanggang gambalain na naman siya ng isang paranormal na aktibidad. Tuwing umaga, sa tuwing gumigising siya ay parang ang bigat ng katawan niya at masama ang pakiramdam. Paggising niya isang hatinggabi nalaman niya ang dahilan--isang nakakatakot na ITIM NA LALAKI ang nakapatong sa dibdib niya!

Ipinagpalagay ni April na kagagawan itong muli ni Harold. Kaya hinarap niya ito. Umamin naman si Harold na siya nga ang nagpakulam kay April noon. Pero wala raw talaga siyang kinalaman sa nangyayari kay April ngayon.

Para makabawi sa kasalanan, dinala ni Harold si April sa isang mangkukulam. At dito nila napag-alaman, na ang nakakatakot na lalaking itim ay isa pa lang Engkanto na may malaking gusto kay April. At ang nakakasindak pa, nabuntis raw si April ng engkanto!

Sa pamamagitan ng ritwal at pananalig na rin nila April ay maitataboy rin nila sa wakas ang Engkanto. Maalis na rin sa sinapupunan ni April ang binhi na naiwan ng Engkanto.

Sa huli, mapapatawad na rin ni April si Harold. Ipinasara na rin ni April ang third eye niya. Sa kasalukuyan ay kasal na si April kay Gerald at nabubuhay sila ng matiwasay.

Ang espesyal na pagtatanghal na ito ng Magpakailanman na pinamagatang KULAM NG KARIBAL ay dinirihe ni CONRADO PERO, sinulat ni VIENUEL ELLO at sinaliksik ni STANLEY PABILONA. Ito ay tinatampukan ng natatanging pagganap nina SOPHIE ALBERT as adult April, TERESA LOYZAGA as Mama Agnes, RICARDO CEPEDA as Papa Robert, DOMINIC ROCO as Gerald, MATT EVANS as Harold, ERMIE CONCEPCION as Albularyo, LUZ FERNANDEZ as Apo Imang at ANGELICA ULIP as young April.