TV

Magpakailanman presents 'Fat and Thin, Ikaw Pa Rin: The Gilbert and Villa Magana story'

Payatot si Gilbert, super chubby naman si Villa - 'yan ang unang mapapansin sa kanilang mag-asawa. Puno ng kilig at pagmamahalan ang unang taon ng kanilang pagsasama. Pero nang lumaon, lumabas ang pagiging selosa ni Villa. At dahil mas malaki siya, madalas tuloy na siya ang jumojombag sa asawa! Kahit super faithful ni Gilbert sa kanya!

Kasabay ng lumalaking hinala ni Villa, lalo ding nadadagdagan ang timbang niya. Akala niya ay pinagsasawaan na siya ni Gilbert at humahanap na ito ng iba. At dahil hindi nahinto ang pagdududa ni Villa sa asawa, tinotoo tuloy ni Gilbert ang mga hinala niya! Nambabae na rin talaga siya!

Syempre nalaman agad ito ni Villa. Sugat-sugat tuloy ang puso niya at ito ang naging mitsa ng paghihiwalay nila. Nakarma din si Gilbert at iniwan ng babae n'ya. Sinubukang kausapin ni Gilbert si Villa para muli itong makasama at ang mga anak nila, pero dinedma lang siya ni Villa.

Hanggang sa nakilala ni Villa si Arnold, isang customer sa pinagtatrabahuhan niyang karinderya. Mukhang na-love at first sight ito sa kanya. Nanligaw agad ito kay Villa. Dahil sa kabaitan ni Arnold, sinagot naman siya ni Villa. Ikinuha pa ni Arnold ng apartment sina Villa at ang mga anak nito sa isang probinsya. Samantala, pinilit na lang kalimutan ni Gilbert si Villa. Hanggang sa magkaroon na din siya ng bagong kinakasama, si Linda.

Lumipas ang maraming taon, kapwa nagkaroon na ng kanya-kanyang buhay at bagong pamilya sina Gilbert at Villa. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, muling nagkrus ang landas nila. Gusto ng mga anak nila na muling mabuo ang kanilang pamilya. Ito rin kaya ang isinisigaw ng mga puso nina Gilbert at Villa? O sadyang napagod na ang mga itong tumibok para sa isa't-isa at nagsawa na'ng umasang magiging maayos pa sila?

Sa pangunguna nina Boobsie at Jason Francisco, tiyak na tatawa, iiyak at kikiligin kayo sa kakaibang kwento ng pag-ibig nina Gilbert at Villa, handog sa inyo ng Magpakailanman ngayong Sabado. Makakasama din nila sa episode sina Maureen Larrazabal, Rob Moya, Koreen Medina, Ina Feleo at Ryan Yllana.

Ang “FAT AND THIN, IKAW PA RIN: THE GILBERT AND VILLA MAGANA STORY” ay sa ilalim ng direksyon ni Rechie Del Carmen, mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa at pananaliksik ni Loi Nova. Mapapanood ngayong Sabado, October 6, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Sa bago nitong oras, 8:30pm.