TV

Magpakailanman presents 'Japinay'

Ang pinakamasayang pakiramdam para sa isang tao ay ang malaman mong nasa tabi mo ang iyong mga magulang at kapatid na walang hanggan ang pagmamahal sa iyo.

Subalit para kay Yuki, ang pakiramdam na ito ay ipapagkakait sa kanya nang gawin siyang pambayad utang ng kanyang inang si Debbie sa utang nito sa taxi driver na si Monching.

Malinaw rin sa alaala ni Yuki na bago siya iwanan sa taxi driver ay dinala muna ng kanilang ina ang kanyang bunsong kapatid na si Chimmy sa isang simbahan kung saan ito iniwan. Sa murang kaisipan ni Yuki ay hindi niya lubos maunawaan kung bakit ito ginagawa ng kanilang ina. Ang tanging tumatak sa isip niya ay ang lungkot at pag-aalala na magkakahiwalay silang magkakapatid.

Panganay sa tatlong magkakapatid si Yuki. Entertainer sa Japan ang kanilang ina bago ito nadeport dahil sa napasong papeles.

Ang isa pa niyang kapatid na si Shio ay nalaman na lang niya kamakailan lang na iniwan rin pala noon ng kanilang ina sa isang bahay-ampunan sa pamamahala ng DSWD.

Sa murang edad ay naranasan ni Yuki ang iba-ibang hirap ng buhay sa pamilyang kinalakihan. Ito ang nagtulak upang magpursige siyang makaalis sa pamilya ni Monching at bumuo at sundan ang sarili niyang pangarap sa buhay.

Makikilala niya si Derick, ang unang lalaking magpapatibok sa kanyang puso at magpaparamdam sa kanya kung gaano kasarap ang magmamahal at minamahal. Magkakaroon sila ng isang anak.

Subalit susubukin ang kanilang pagsasama ng iba't-iba at maraming problema na magtutulak sa kanila upang maghiwalay.

Labis na kalungkutan ang babalot sa puso at isip ni Yuki. Sa panahon ding ito mabubuhay muli sa puso niya ang matinding paghahangad na mahanap ang kaniyang ina at mga kapatid.

Makikilala niya si Ryan. Ang magiging ama ng dalawa pa niyang anak. Ito rin ang magtuturo sa kanya na unti unting patawarin ang ina sa mga nagawa nito sa kanilang magkakapatid. Sa tulong rin ni Ryan ay muling magkakatagpo si Yuki at dalawa niyang kapatid.

Subalit gaya ni Yuki, sina Shio at Chimmy ay pareho rin niyang naghahanap at maraming tanong sa kanilang ina kung bakit sila iniwan.

Magkikita pa kaya silang mag-iina at muling mabubuo bilang isang pamilya? Mapapatawad ba nila ito kung muli silang magkakatagpo sa hinaharap?

Ating tunghayan ngayong Sabado, November 10, 2018 sa nag iisang drama na nagpapakita ng totoong kuwento ng mga totong tao, ang Magpakailanman

Itinatampok sina JOYCE CHING, GARDO VERSOZA, DIANA ZUBIRI, at JAK ROBERTO
sa isang kwentong magpapakita ng pag-asa, pananampalataya at katapangan sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Ang istoryang JAPINAY, ay mula sa direksyon ni Albert Langitan, Sa panulat ni Jessie G. Villabrille, at mula sa pananaliksik ni Rodney Junio.