TV

Magpakailanman presents 'Fathers and Lovers'

Lumaki si Peter sa puder ng kanyang mga istriktang tiyahin. Hindi siya makapag-asawa dahil sa pagpigil ng mga ito sa kanya. Hanggang sa nalaman ni Peter na nakabuntis s'ya. Pinanagutan niya ang babae at ipinakilala ito sa kanyang mga tiyahin. Pero dahil sa pangit na pakikitungo ng mga ito sa kanyang asawa, iniwan siya nito dala ang kanilang anak. Halos gumuho ang mundo ni Peter. Kung saan-saan niya hinanap ang kanyang mag-ina pero hindi niya na natagpuan ang mga ito. Dumaan si Peter sa matinding depresyon. Ang tanging naging libangan niya ay ang pakikipag-chat sa social media. Doon niya nakilala si Rocky.

Fathers and Lovers

Tulad ni Peter, iniwan din si Rocky ng asawa at mag-isa na lang itong nagpalaki ng anak na si Kimuel. Isang araw, inimbitahan ni Rocky si Peter na magbakasyon sa kanila sa Batangas. Dahil dito, lalong napalapit sina Peter at Rocky sa isa't-isa. Naging malapit din si Peter sa anak ni Rocky na si Kimuel. Natulungan ni Rocky si Peter na makalimot sa madilim niyang nakaraan. Kinaawaan pero hinangaan naman ni Peter si Rocky sa pagtataguyod nito kay Kimuel. Pero ang paghangang iyon ay nauwi sa kakaibang pagtingin. At ang simpleng bakasyon ni Peter ay nauwi sa tuluyan niyang paninirahan sa Batangas kasama sina Rocky at Kimuel.

Dahil sa pagiging malapit ni Kimuel kay Peter, itinuring na rin siya nitong pangalawang ama. Samantala, hindi napapansin nina Rocky at Peter, nagkakaroon na pala sila ng kakaibang pagtingin sa isa't-isa. Pero sa halip na pigilan ang mga damdamin, unti-unti nila itong tinanggap - na umiibig na sila sa kapwa nila lalaki.

Ano ang mga pagsubok na pagdadaanan nina Peter at Rocky sa pagtanggap nila sa tunay nilang kasarian? Ano pang mga hamon at problema ang kakaharapin ng kanilang samahan at ng pagiging ama nila kay Kimuel?

Ngayong Sabado sa Magpakailanman, sa pangunguna nina Paolo Contis at Kristoffer Martin, tunghayan ang kwento ng dalawang ama na nahanap ang kasagutan na bumuo sa kanilang mga pagkatao at kasarian at natagpuan ang tunay na kahulugan ng pamilya. Makakasama din nila sa episode sina Lui Manansala, Gigi Locsin, Lovely Abella, Paolo Paraiso, Yasser Marta, Elle Ramirez, Sue Prado, Ruby Rose Arcilla, Jayla Villaruel, Perry Escano at Neptune Sison.

Ang 'Fathers and Lovers' ay mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr., sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Argel Nova. Mapapanood ngayong Sabado, January 19, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Sa bago nitong oras, 8:30pm, pagkatapos ng Daddy's Gurl.