TV

Magpakailanman presents 'Patawad Ama Ko'

Ano kaya ang nagtulak sa isang anak para patayin, lutuin at kainin ang kanyang sariling ama?

Magpakailanman

Tunghayan natin ang kagimbal-gimbal na kwento ng buhay ni Samuel --- isang ordinaryong probinsiyano na bagama't normal naman sa unang tingin ay may natatagong sakit pala sa pag-iisip na nagsimula pa noong pagkabata.

Bata pa lang si Samuel, madalas siyang nasasabihan ng kanyang Tatay Julian na walang silbi at walang kwentang anak. Hindi naging maganda ang pagtrato ni Tatay Julian kay Samuel hanggang sa magbinata at makapag-asawa ito.

Bukod sa kanyang ama, inabuso rin ang kabaitan ni Samuel ng kanyang asawa. Naki-apid ito sa ibang lalaki at iniwan si Samuel bitbit ang kanilang mga anak.

Dahil sa labis na hinanakit at galit na naipon mula pa noong bata siya, lalong lumala ang sakit sa pag-iisip ni Samuel na nagbunga ng isang napakalagim na krimen.

Ngayong Sabado, July 20, itinatampok ng Magpakailanman ang isang napaka-espesyal at madamdamin na episode na pinamagatang "Patawad Ama Ko".

Pinagbibidahan ito ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa kanyang natatangi at isa sa pinaka-challenging roles na nagampanan.

Kasama rin sina Allan Paule bilang Tatay Julian, Sheila Marie Rodriguez bilang Ate Jenny, Chinggay Riego bilang Nanay Rebecca, Ana de Leon bilang Ella, Bruce Roeland bilang Charlie, Seth dela Cruz bilang batang Samuel at Orlando Sol bilang Kuya Noe.

Mula ito sa direksyon ni Adolf Alix Jr., mula sa panulat ni John Roque at pananaliksik ni Karen Lustica.