TV

Magpakailanman presents 'Asawa Ko, Bayaw Ko' (replay)

Puso o pamilya? Ito ang mabigat na tanong na kailangang sagutin ng dalawang babae matapos silang paglaruan ng tadhana.

Ito ang kwento ng magkapatid na sina Liezel at Marie, na nakulong sa isang malaking gulo na susubok sa kanilang moralidad at pagmamahal sa pamilya.

Lumaki si Liezel na busog sa pagmamahal ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang nakatatandang kapatid na si Mariel. Bata pa lang, suportado na nila ang isa't-isa sa bawat problemang pagdaanan nila. Ginabayan ni Mariel si Liezel sa pagtupad sa kanyang mga pangarap, habang tinanggap at inintindi naman ni Liezel si Mariel sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang mga ugali. Pareho silang naniniwala na walang makakasira sa kanilang pambihirang samahan. Pero may inilaan pala ang tadhana na susubok sa kanilang pagmamahalan.

Noong maghiwalay ang kanilang mga magulang, nagkalayo din sina Liezel at Mariel. Mas pinili ni Liezel na sumama sa kanyang ina na si Annette, at si Mariel naman ay sumunod sa kanyang amang si Bong sa Romblon.

Dahil dito, tuluyan nang naputol ang kanilang komunikasyon at relasyon, na pinalala pa ng magkaiba nilang opinyon sa kinahinatnan ng kanilang pamilya.

Lumipas ang maraming taon, walang silang kamalay-malay na muling magkukrus ang kanilang mga landas-- nang lokohin sila ng iisang lalaki at pareho sila nitong pakisamahan. Ipinakilala ng lalaking ito ang sarili kay Mariel bilang si Mark at nakilala naman ito ni Liezel bilang si Michael.

Paano tatanggapin ng magkapatid na iisang lalaki pala ang kanilang minamahal? Ano ang magiging epekto ng sinapit nilang kapalaran sa kanilang relasyon at kani-kanilang pagkatao?

Sa pangunguna nina Katrina Halili, Kim Domingo at Kiko Estrada, tunghayan ang kabuuan ng kakaibang kwento ng pamilya, pag-ibig at pasakit ng magkapatid na sina Liezel at Mariel ngayong Sabado, September 14, 2019, sa nangungunang drama anthology sa telebisyon, MAGPAKAILANMAN.

Ang “Asawa Ko, Bayaw Ko” ay sa ilalim ng direksyon ni Rechie Del Carmen, mula sa panulat ni Mr. Jessie Villabrille at pananaliksik ni Loi Argel Nova. Mapapanood ngayong Sabado, September 14, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman.