TV

Magpakailanman presents 'Psychic from Dumaguete (The Rasha Mae Sarne Story'

Bata pa lang si RASHA ay hiwalay na ang kanyang magulang. Ang kanyang ina at ama, na parehong OFW ay parehas na ring may kanya-kanyang pamilya. Kaya't naiwan si Rasha sa pangangalaga ng kanyang LOLA SUSAY at LOLO RUBEN na isang albularyo.

Gaya ng isang normal na bata ay mahilig maglaro si Rasha. Kaya nga lang, hindi normal ang mga kalaro niya na mga multo, duwende at iba pa. Hindi naniniwala dito si Lola Susay at iba pa. Para sa kanila ay kulang lamang sa atensyon ang bata. Pero para kay Lolo Ruben, totoo ang mga nakikita ni Rasha, dahil bukas daw ang 'third eye' nito.

At lalo nga itong nagkatotoo, nang si Rasha mismo ang nagkaroon ng pangitain na mamamatay ang kanyang Lola Susay.

Pagkatapos ilibing ang kanyang Lola ay nilipat si Rasha sa Dumagute sa piling ng kanyang stepmom. Dito ay lalong naging malungkutin si Rasha hanggang siya ay magdalaga. Nagsimula lang mabago ang kanyang buhay nang minsang sumama siya sa mga kaklase para mag 'ghost hunting'. Dito niya nakilala ang lalaking magbibigay ng saya sa buhay niya - si GARY, na naniniwala rin sa mga ibang elemento. Dahil sa agad na nagkasundo sa paniniwala ang dalawa ay magiging magkasintahan ang dalawa , hanggang sa sila ay ikasal.

Sa simula ay masaya ang buhay mag-asawa nila Rasha at Gary. Sa wakas ay nagkaroon na rin si Rasha ng sarili niyang pamilya. Pero isang araw, bigla na lang lalagnatin ang halos magdeliryong si Rasha. Pagdating sa doctor ay hindi naman nito masabi kung ano ang sakit niya. Hanggang mapanaginipan ni Rasha ang kanyang Lolo Ruben na may pinamamana sa kanyang isang tila mahiwagang bato. Kinabukasan, nawala ang sakit ni Rasha. Pero doon niya napag-alaman na nawala at pumanaw na rin ang kanyang Lolo Ruben. Mula noon ay tuluyan ng nagbago ang buhay ni Rasha.

Minsan nagising si Rasha sa mausok na paligid at panay sigaw ng may sunog. Pero ng mapahimasmasan siya ni Gary ay wala naman palang sunog. Pero kinabukasan lang, isa ngang malaking sunog ang naganap sa kanilang lugar.

Sa una ay ipagpapalagay ni Rasha na nagkataon lang ang lahat. Pero masusundan ang pangitain ni Rasha. At sa bawat makita niyang delubyo ay nagkakatotoo ito. Dito nagsimulang mag-isip si Rasha na maaaring pinamana nga sa kanya ng nasirang lolo ang kakaibang kakayahan nito. Mula noon sa bawat pangitain ni Rasha - maging aksidente, pambobomba, lindol at iba pa - ay agad nilang pinupost sa social media. Dahil dito, maraming nagpapasalamat kay Rasha dahil nakatulong ang kanilang pagbibigay ng babala.

Hanggang sa mabuntis na si Rasha. Ipinangako niya sa sarili na kailanman ay hinding-hindi mawawala sa kanya ang anak. Hinding-hindi niya ito iiwan gaya ng ginawa sa kanya ng ina.

Pero susubukin ang pangakong ito ni Rasha sa pagdating ng kanilang bagong kapitbahay na si ALMA, na nagpakilalang isa ring manggagamot. Magiging kaibigan ito ni Rasha. At pagkakatiwalaan pa niya. Walang kaalam-alam si Rasha na si Alma ay isa palang mangkukulam na may lahi pang aswang.

Malaman kaya ni Rasha na nasa alaganin ang buhay nila kay Alma? Magamit din niya kaya sa kanyang sarili ang kakayanan para makita ang mga susunod na mangyayari sa buhay nila? Gaya ng mahulaan niya ang pagkamatay ng lola, makita rin niya kaya ang pangitain na mamamatay ang kanyang sariling anak?

Makikita natin ang sagot sa lahat ng ito sa espesyal na pagtatanghal ng MAGPAKAILANMAN ngayong darating na ika 19 ng Oktubre, na pinamagatang 'PSYCHIC FROM DUMAGUETE: The Rasha Mae Sarne Story'.

Pinangungunahan ng mahusay na pagganap nila SHAIRA DIAZ bilang Rasha, MIKE TAN bilang Gary, SHEILA MARIE RODRIGUEZ bilang batang Rasha, GIGI LOCSIN bilang Lola Susay, JIM PEBANGCO bilang Lolo Ruben at DON UMALI bilang Nicholson.

Sa mahusay na direkyon ng de-kalibreng direktor na si JOEL LAMANGAN, sa panulat ni VIENUEL ELLO at pananaliksik ni STANLEY PABILONA.