
Sumailalim daw sa isang workshop si viral sensation at Wowowin host "Sexy Hipon" Herlene Budol para paghandaan ang kanyang pagganap sa upcoming episode ng real-life drama anthology na #MPK or Magpakailanman.
"Sexy Hipon" Herlene Budol, gaganap bilang OFW sa #MPK
Ikinuwento niya kay Wowowin host Willie Revillame at sa iba pa niyang co-hosts ang tungkol sa workshop na sinailaliman niya.
"Kasi 'di ba may mga artista na mata pa lang daw, ramdam mo na. Noong pinag-workshop ako, ako lang mag-isa. Pinaiyak ako, pinatawa ako," bahagi ni Herlene.
Dahil unang beses din niyang sumabak sa workshop, naging kakatwa para sa kanya ang mga ginagawa dito.
"Mahabang proseso eh. Una nag-Zumba muna ako. 'Yun 'yung warm up daw eh. Zumba, zumba. Una slow mo. Dapat gagalaw 'yung buong katawan. Dapat nararamdaman mo 'yung bawat kilos ng katawan mo," panimula niya.
"'Tas, ito pa 'yung malala doon, Wil. Pinalasahan sa 'kin 'yung bunganga ko, bibig ko. Tapos pinalasahan sa 'kin laway ko. Pinabilang 'yung ngipin ko. Para daw lahat gumagalaw. Para lahat gagana," pagpapatuloy niya.
First acting project kasi ni Herlene ang episode na pinamagatang "Yaya Dubai & I" na mapapanood ngayong November 30.
Gaganap siya dito bilang OFW (overseas Filipino worker) na si Jenny na makikipagsapalaran sa Dubai at maaatasang mag-alaga ng batang may cerebral palsy. Dahil sa tunay na malasakit niya sa bata, tuluyang mahuhulog ang loob ng kanyang Egyptian boss sa kanya.
Bukod kay Herlene, tampok din sa episode sina Mike Agassi, Vaness del Moral, Euwenn Aleta, Lotlot de Leon, at marami pang iba.
Tunghayan ang "Yaya Dubai & I," isa sa pre-anniversary specials ng #MPK, ngayong November 30, pagkatapos ng Daddy's Gurl sa GMA.