TV

Magpakailanman presents 'Ang Kabit na Walang Mukha (The Hector and Minda Bagulbagul Story)'

Maraming tao ang umaasa na makakahanap sila ng tunay na pag-ibig online pero paano kung ang taong inaakala mong mahal ka ay niloloko at pine-perahan ka lang pala?!

Ngayong Sabado, panoorin natin ang totoong kuwento nina Hector at Minda - ang mag-asawang niloko ng isang online professional scammer na si Rhea Isabelle Go.

Dalawang beses nagpakasal sina Hector at Minda. Tanda ito ng matinding pagmamahalan nila sa isa't isa. Masaya at payapa nilang itinaguyod ang kanilang pamilya sa Bicol. Meron din silang matatag na mga negosyo. Pero sa kasawiang-palad, naubos ang lahat ng kanilang kabuhayan dahil sa pananagasa ng Bagyong Winnie. Ito ang nagtulak kay Hector na magtrabaho sa Saudi.

Para ibsan ang pangungulila sa isa't isa, madalas mag-usap online sina Hector at Minda. Nakakapagpadala rin si Hector ng pera kay Minda kaya nakapagpatayo ulit sila ng mga negosyo. Pero naging labis na abala si Minda sa kanilang mga business kung kaya't hindi na sila nakakapag-usap masyado ni Hector. Dahil sa labis na lungkot, natuto si Hector na makipagchat sa ibang babae at dito, nakilala niya si Rhea Isabelle Go. Nagpakilala itong isang 27 years old, model at anak mayaman.

Hindi nagtagal, nahulog ang loob ni Hector kay Rhea. Madalas niya pa itong pautangin ng pera hanggang sa pati ipon nila ni Minda ay naubos na ni Hector. Nagkaron din ng mga utang si Hector sa ibang tao at lumobo ang interes nito na umabot ng P1.5 million pesos! Lahat ng ito ay kay Rhea lang napunta! Nagkabaon-baon na tuloy si Hector sa utang! Nalaman ni Minda ang totoo at nagalit din siya kay Hector dahil sa panloloko nito! Nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon si Minda at nalaman niya na hindi pala totoong 27 years old si Rhea Isabelle Go! Isa pala itong 62 years old na matandang babae! Na-scam nito ang kanyang asawa at pamilya!

Ano ang gagawin nina Hector at Minda sa matandang si Rhea ngayong nalaman na nila ang totoo? Ma-isasalba pa kaya nila ang kanilang relasyon? O tuluyan na bang masisira ng kabit na si Rhea ang pagmamahalan nina Hector at Minda?!

Ngayong Sabado, January 18, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “ANG KABIT NA WALANG MUKHA: THE HECTOR AND MINDA BAGULBAGUL STORY”. Itinatampok sina Max Collins bilang Minda, Pancho Magno bilang Hector, Dexter Doria bilang Rhea at Liezel Lopez bilang Fake Rhea.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Neal Del Rosario, mula sa mahusay na pananaliksik ni Loi Argel Nova at panulat ni Karen P. Lustica.