TV

Magpakailanman presents 'Dapat Ba Kitang Mahalin?'

Bata pa lang sina JASMINE at ang kapatid niyang si kuya JEROME ay hindi na sila mapaghiwalay. Sobrang lapit nila sa isa't-isa at may pangako pa silang magmamahalan silang magkapatid habang-buhay.

Hanggang sa maging binata at dalaga na ang dalawa ay lalong tumibay ang pagtitinginan nilang magkapatid. Sobrang alaga at protektadong-protektado ni Jerome si Jasmine. Walang malisya sa magkapatid kahit na magkatabi at magyakap sila sa pagtulog.

Pero ang kanilang mga magulang ang nagsimulang magbigay ng malisya sa kanila. Paano, ampon lang pala nila si Jerome at hindi sila tunay na magkapatid ni Jasmine.

Pero unti-unti ngang nagkatotoo ang kinatatakutan ng magulang. Nagsimula na ngang maging iba ang tingin ni Jerome kay Jasmine. Nagkaroon na rin siya ng malisya para sa kapatid.

At lalo itong napatunayan nang sa araw ng debut ni Jasmine ay nakaramdam ng pagseselos si Jerome sa kaklase nitong lalaki.

Alam ni Jerome na mali iyon kaya nilabanan niya ang nararamdaman. Hanggang isang araw, isang nagpakilalang tiyuhin ang lumapit kay Jerome. Madudulas pa ito ng sabihing buti raw binigay niya ito sa mga magulang ni Jerome.

Taka, agad na tatanungin ni Jerome ang mga magulang kung pano niya naging tiyuhin ang lalaki. At dito na nga lalabas ang katotohanan na ampon lang siya. Hindi raw magkaanak ang kanyang kinilalang magulang noon kaya siya inampon. Pero makalipas ang dalawang taon, himalang nabuntis ang ina-inahan at ipinanganak nga si Jasmine.

Sa halip na malungkot dahil sa natuklasan, mas naging masaya pa si Jerome. Agad ito ibinalita ni Jerome kay Jasmine. Sabay pagtatapat na ang lukso ng dugo niyang nararamdaman ay lukso pala ng puso, dahil hindi sila tunay na magkapatid.

Gulat si Jasmine. Kaya't agad din niyang kinausap at tinanong ang magulang. Sa takot ng mga magulang ay tinanggi nila ang katotohanan at sa halip ay muli silang gumawa ng kuwento at nagsinungaling na tunay ngang magkapatid sila Jerome at Jasmine.

Ayaw maniwala ni Jerome, kaya nauwi sa mainit na pagtatalo ang lahat. Hanggang maglayas na sa kanila si Jerome.

Sa pagkawala ni Jerome ay doon naman unti-unting nakaramdam ng pananabik si Jasmine.

Ipaglaban pa rin kaya ni Jerome ang nararamdaman niyang pag-ibig kay Jasmine o tuluyan niya itong kalimutan alang-alang sa kinagisnang pamilya? Malaman din kaya ni Jasmine ang totoo? Mapag-isa kaya nila ang kanilang mga puso kahit na kinagisnan nilang magkarugtong ang kanilang mga pusod?

Tunghayan sa Pebrero 1, ang kwentong “Dapat Ba Kitang Mahalin?”

Sa pangunguna nina Edgar Allan Guzman at Shaira Diaz. Makakasama din sina Rey PJ Abellana, Francine Prieto, Bryce Eusebio at Rein Adriano.

Sa direksyon ni Jorron Monroy, sa panulat ni Vienuel Ello at sa pananaliksik ni Loi Argel Nova.