TV

Magpakailanman presents 'My Hero Dog (The Jessy Tuazon Story)'

Mapalad ang isang taong may tunay na kaibigan dahil tiyak na laging may magliligtas sa kanya. Pero paano kung isang aso ang maging “true friend” mo? Maililigtas ka pa rin kaya niya sa panahon ng iyong problema?!

Ngayong Sabado, panoorin natin ang totoong kuwento ni Jessy at kung paano siya sinagip ng alaga niyang aso na si Patras!

Nagplaplano na sina Jessy at Dens na ikasal. Isang araw, bigla na lang nakaramdam si Jessy ng pananakit sa kanyang katawan. Inakala niya na simpleng sakit lamang ito pero hindi nagtagal, na-paralyze siya at na-misdiagnose ng multiple sclerosis. Sinunod naman niya ang kanyang mga doctor at uminom din ng gamot.

Kaya lang, nagkaroon siya ng matinding depresyon dahil lagi na lang siyang nasa loob ng bahay. Hindi na niya magawa ang mga dati niyang ginagawa at pakiramdam niya ay sobra siyang alagain ng pamilya maging ni Dens.

Hindi mahilig sa aso si Jessy pero binigyan pa rin siya ni Dens ng tutang aspin sa pag-asang makakatulong ito sa kanyang paggaling. Tinanggap naman ni Jessy ang tuta at pinangalanan itong Patras. Paano kaya magkakalapit sina Jessy at Patras? May happy ending kaya sina Jessy at Dens? Higit sa lahat, maililigtas kaya ng hero dog na si Patras ang amo niyang si Jessy o tuluyan bang magugupo si Jessy ng kanyang sakit?

Ngayong Sabado, February 15, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “MY HERO DOG, THE JESSY TUAZON STORY”. Itinatampok ang Kapuso stars na sina Rita Daniela bilang Jessy, Kristoffer Martin bilang Dens, Rosemarie Sarita bilang Lita at Ollie Espino bilang Jek.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon at panulat ni Don Michael Perez at mula sa pananaliksik ni Karen P. Lustica.