TV

Magpakailanman presents 'The Abandoned Sisters'

Bata pa lang ang magkakaptid na sila MADEL, CARLA at MYLENE nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.

Inihabilin sila ng ina sa kanilang lola sa probinsiya at bumalik ng Maynila para magtrabaho. Ngunit lumipas ang panahon pero wala na silang naging balita at hindi na sila binalikan ng ina.

Dahil sa hirap ng buhay, kapag nagugutom ang magkakapatid ay napipilitang magnakaw sa tindahan si Madel. Minsang nahuli siya ay kinuha silang magkakapatid ng DSWD at dinala sa ampunan. Paglipas ng ilang taon ay nakalabas din naman ng ampunan ang magkakapatid.

Pero pagbalik nila sa kanilang lola ay nastroke ito at agad ding namatay. Dito nagsimulang lalong maghirap ang buhay ng magkakapatid.

Kinupkop sila ng isa nilang tiyuhin pero ginawa naman silang katulong at pinagmalupitan sila nito. Kinalbo pa ng tiyuhin si Madel. Kaya lumayas din sa poder niya ang magkakapatid. Tumira sa kalsada sina Madel, Carla at Mylene. Hanggang sa napagkamalang lalaki ng isang trabahador sa construction si Madel. Dahil dito pinangatawanan na ni Madel ang magkunwaring lalaki para lang makapasok siya sa construction.

Pero maaaksidente si Mylene at kakailanganin nila ng malaking pera. Kaya mapipilitang ibenta ni Madel ang sariling katawan maipagamot lang kanyang kapatid.

Hanggang may makilala si Madel na lalaking magpapatibok ng kanyang puso. Mabait naman ang lalaki kaya payag at boto dito sina Carla at Mylene. Masayang nakisama si Madel sa lalaki kapiling ng mga kapatid. Pero ang lalaki ay may tinatagong kamanyakan pala. Nahuli ni Carla na sinisilipan nito si Mylene. Pero ng nagsumbong sila sa kanilang ate ay mas pinaniwalaan pa nito ang lalaki. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng samaan ng loob ang magkakapatid. Napagdesisyunan nina Carla at Mylene na humiwalay na kay Madel. Namasukan sila bilang kasambahay sa isang bayan. Hanggang mapatunayan mismo ni Madel na totoong manyakis ang lalaki dahil nahuli niya itong may ibang babae.

Hanggang sa paghahanap ni Madel sa kanyang mga kapatid, ang nagbabalik na ina ang kanyang nakita.

Ano kaya ang nangyari sa kanilang ina? Bakit labing-limang taon siyang hindi nakabalik? Mapatawad pa kaya ng magkakapatid ang kanilang ina sa pag-aabandona sa kanila? Ang ina kaya ang magiging paraan para mabuo uli ang magkakapatid o ito pa ang magiging dahilan sa mas pagkawasak nila?

"The Abandoned Sisters" na itatanghal ngayong Sabado, Marso 7, sa Magpakailanman ay pinabibidahan nina Rita Avila, Pauline Mendoza, Therese Malvar at Elijah Alejo.

Sa direksyon ni Neal Del Rosario, pananaliksik ni Loi Argel Nova at panulat ni Vienuel Ello.