TV

Christopher de Leon, gaganap bilang amang kapus-palad pero makalinga sa '#MPK'

By Marah Ruiz

Dahil nalalapit na ang Father's Day, hatid ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman ang kuwento ng isang ama na walang atubili sa pagtulong kahit siya mismo ay kapus-palad din.

Tampok sa episode na pinamagatang "Ama Namin: The Jesus 'Boy' Parungao Story" ang beteranong aktor na si Christopher de Leon.

Gaganap siya bilang si Jesus, na nakipagsapalaran sa Maynila noong siya ay binata pa.

Hindi naging madali ang pamumuhay niya dito at naging palaboy pa bago nakilala si Lolita (Rita Avila) na tumulong sa kanya.

Malaki man ang agwat ng dalawa, nagkapalagayan sila ng loob at nagsimula ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagkupkop sa mga batang yagit.

Kalaunan, lumaki na ang kanilang pamilya sa dami ng kanilang mga kinupkop.

Iniimbitahan naman ni Rita ang mga manonood na tunghayan ang kanilang episode ngayong Sabado.

"Panoorin po ninyo ang episode naming pinamagatang 'Ama Namin' na pinamumunahan ng best actor of all time na si Christopher de Leon sa kanyang natatanging pagganap ngayong Sabado sa Magpakailanaman. Napaaga na, 8:00 pm sa GMA," aniya.

Huwag palampasin ang special Father's Day presentation na pinamagatang "Ama Namin: The Jesus 'Boy' Parungao Story" ngayong Sabado, June 20, 8:00 pm sa #MPK.