TV

Life story ni Rudy Baldwin sa 'Magpakailanman,' pinag-usapan sa social media

By Jansen Ramos

Tinutukan at pinag-usapan ng madla ang mapanindig-balahibong life story ng viral visionary at dream translator na si Rudy Baldwin na ipinalabas sa #MPK o Magpakailanman kahapon, January 23.

Ang Kapuso actress na si Max Collins ang nagbigay-buhay kay Rudy sa nasabing episode ng GMA drama anthology na pinamagatang 'Babala at Pangitain.' Tampok din dito si Ina Feleo.

Sa katunayan, top trending topic sa Twitter ang official hashtag ng episode na #RudyBaldwinStoryOnMPK.

Ayon sa ilang netizens, kinilabutan sila sa mga pangitain ni Rudy na anila'y nagkakatotoo.

Samantala, pinuri rin ng ilang netizens ang pagganap ni Max bilang Rudy.

Unang sumikat online si Rudy noong 2020 dahil sa mga post niya sa Facebook kung saan ibinabahagi niya ang kanyang mga pangitain at mga babala.

Nahulaan daw ni Rudy, 'di umano, ang mga winning lotto numbers pati mga sakuna sa Pilipinas at abroad.

Sa ngayon, may mahigit 322,000 subscribers at maglilimang milyon na ang combined video views niya sa kanyang YouTube channel. May mahigit 3.4 million followers naman siya sa kanyang Facebook page.

Nagbigay pa nga siya ng kanyang "fearless forecast" para sa taong 2021 sa pamamagitan ng isang video sa kanyang YouTube channel.

Aniya, tataas daw ang mga insidente ng krimen tulad ng pagpatay at panggagahasa sa bansa ngayong taon.

Tataas din daw ang suicide rate lalo na ng mga OFW o overseas Filipino workers, partikular ang mga nagtatrabaho sa Europe at Arab countries.

Bukod dito, nakita din daw niyang magla-landfall ang karamihan ng mga bagyong papasok sa Pilipinas sa 2021.

Simula pagkabata, may mga pangitain nang nakikita si Rudy.

Dahil puno ng sakuna, krimen at kamatayan ang kanyang mga pangitain, ibinabahagi niya sa mga tao ang mga ito para mabigyan sila ng babala.

Pero dahil nakakakilabot ang mga sinasabi ni Rudy, mas madalas siyang hindi pinaniniwalaan o kaya naman ay kinakatakutan.

Minarapat niyang lumayo muna sa kanyang pamilya dahil umabot na sa puntong nakakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay dahil sa mga pangitain niya.

Sinubukan din daw ni Rudy na ipagkibit-balikat ang mga nakikita niya pero nauuwi sa trahedya ang hindi niya pagbibigay ng babala.

Sinisisi din niya ang kanyang sarili dahil alam niyang napigilan sana niya ito kung nakapagbigay lang siya ng babala.

Samantala, narito ang mga personalidad na ginampanan ang sariling life story sa #MPK: