TV

MAGPAKAILANMAN presents “Gang Rape: The Elsa De Guzman Story”

Disclaimer: Dahil sa maselan na paksa, nakiusap ang subject ng kuwento na palitan ang mga pangalan ng mga taong naging parte ng pangyayaring ito sa kaniyang buhay.

Iisa lang ang gusto ni Elsa sa buhay—ang makatulong sa kaniyang ina na iahon ang pamilya sa kahirapan. Matapos iwan ng ama sa murang edad, tumigil si Elsa sa pag-aaral para punan ang kakarampot na kita ng ina mula sa trabaho nito sa pabrika.

High school lang ang tinapos ni Elsa kaya limited ang mga trabahong pwede niyang pasukin. Sinubukan niyang maging katulong, pero hindi rin nagtagal ay iniwan niya ang trabahong ito para mamasukan bilang kahera sa isang pizza parlor. Dito niya naging matalik na kaibigan si Vivian.

Salta lang si Elsa sa bayan kung saan nagta-trabaho, at para makatipid ay nakitira siya sa apartment ni Vivian. Maayos ang samahan ng dalawa, and for almost a year, tahimik ang kanilang pamumuhay na umiikot sa trabaho at pag-iipon. Magbabago lang ito nang isang gabi, may kaibigan si Vivian na magyayaya sa kaniyang birthday party.

Yayayain ni Vivian si Elsa na sumama, dahil wala itong makakasama sa apartment. At dahil ayaw mapag-isa ni Elsa, sasama naman ito. Hindi alam ng dalawa na ang party na pupuntahan ang magbabago ng buhay nilang magkaibigan.

Dahil matagal nang hindi lumalabas, itotodo ni Vivian ang pakiki-party—na siya namang hindi magawa ni Elsa lalo pa’t wala itong kakilala sa party. Nang gabihin na, at nang mapansin na lasing na si Vivian, yayayain na ito ni Elsa umuwi. Papayag naman si Vivian, pero nang lumabas sila ng bahay ay mahihirapan silang makahanap ng masasakyan pauwi.

May tatlong lalaking mag-aalok sa kanila ng hatid pauwi. Mag-aalangan ang magkaibigan, pero nang makita na hindi lang sila ang ihahatid pauwi, mapapapayag na rin silang sumama. Isa-isang ihahatid ng kalalakihan ang mga kasama nilang babae, hanggang sa sina Elsa at Vivian na lang ang naiwan.

Kakabahan ang magkaibigan at magtatangka nang bumaba, pero hindi papayag ang mga binata. Sisikmuraan sila ng mga ito at haharangan ang pintuan ng van na sinasakyan. Dadalhin ng mga ito ang van sa liblib na lugar kung saan gagahasin sila ng tatlong binata.

Manlalaban sina Elsa at Vivian sa mga ito, pero wala silang laban sa mga lalake. Nang matapos ang kahalayan, itatapon ng mga ito ang dalawang dalaga ng hubo’t-hubad palabas ng sasakyan. Afterthought na lang na ihagis din ang kanilang damit palabas ng van. Bago tuluyang umalis, pagbabantaan ng mga lalake ang dalawang babae na ‘wag magsusumbong kahit kanino—dahil babalikan nila ang mga ito.

Manlulumo sina Elsa at Vivian sa nangyari sa kanila. Pagkabalik sa apartment, magkukulong ang dalawa at hindi kakausap ng kahit sino. Matatauhan lang sila nang magsabi ang ina ni Vivian na babalik na ito sa apartment. Mapipilitan si Elsa na iwan na ang kaibigan at umuwi na rin sa sariling pamilya.

Walang pagsasabihan ang magkaibigan tungkol sa nangyari sa kanila.

Makakahanap ng bagong trabaho si Elsa at doon ibubuhos ang lahat ng oras para hindi maalala ang mga nangyari sa kaniya. Pero laking gulat at laking takot niya nang mapansin na unti-unti siyang lumalaki at nagkakaroon ng morning sickness.

Malalaman ni Elsa na nagdadalang-tao na siya! Sa pagdiskubre ng kaniyang kalagayan, kakamustahin niya ang lagay ni Vivian at malalaman na pareho sila ng lagay. Hihikayatin ni Elsa si Vivian na gumawa na sila ng aksyon, pero takot pa rin ang kaibigan niya sa mga lalakeng humalay sa kanila.

Dahil kailangan ng suporta, pupuntahan ni Elsa si Vivian sa apartment nito. Pero ang naabutan na lang ni Elsa ay ang ina ng kaibigan. Malalaman nitong nagpakamatay na si Vivian!

Hindi maintindihan ng ina ni Vivian ang ginawa ng anak, kaya napilitan na si Elsa na aminin ang totoong nangyari sa kanila. Hihikayatin rin siya ng ina ng kaibigan na magtapat na sa pamilya.

Pero magagawa bang aminin ni Elsa sa ina ang totoong nangyari sa kaniya? Paano niya ito sasabihin gayong hindi maganda ang kanilang relationship sa isa’t-isa?

Paano na lang kung malagay sa peligro ang dinadala ni Elsa sa kaniyang sinapupunan? Gagawin ba niyang ipaligtas pa ito sa mga doctor, o hahayaan na lang niyang mawala ang bunga ng pangwa-walanghiya sa kanya?

Sundan ang kuwento ni Elsa de Guzman, at alamin kung paano niya hinarap ang matitinding pagsubok sa kaniyang buhay— ngayong Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories.

GANG RAPE: The Elsa de Guzman story is written by Kit Villanueva-Langit, and directed by Laurice Guillen; featuring Lovi Poe, Jennica Garcia, and Victor Aliwalas.