TV

Pokwang, muling bibida sa isang brand new episode ng '#MPK'

By Marah Ruiz

Sa pangalawang pagkakataon, muling bibida ang aktres at komedyanteng si Pokwang sa isang fresh at brand new episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.


Gaganap siya dito bilang Estrella "Star" Besabe, isang makeup artist ng mga artista.

Ilang beses nang nabigo sa pag-ibig si Star. Una, noong bigla na lang pinutol ng kanyang asawang nagtatrabaho sa Amerika ang kanilang kumunikasyon, maging ang pinapadala nitong pera. Maiiwan kay Star ang kanilang dalawang anak na kailangan niyang palakihin nang mag-isa.

Kabiguan din ang dala ng bago niyang pag-ibig dahil bigla niyang malalamang may asawa na pala ito. Hihiwalayan niya ang lalaki pero hindi bago magbunga ng isang supling ang kanilang relasyon.

Matapos ang ilang taon, ang anak niyang si Erwin, na gagampanan ni Jon Lucas, nakaaasa pa rin sa kanya kahit may sarili na itong pamilya.

Ang isa pang anak na si Jinkee, karakter ni Royce Cabrera, malululong sa bawal na gamot.

Tatamaan naman ng malubhang sakit ang bunso niyang si Lucky, role naman ni Dave Bornea.

Paano haharapin ni Star ang tila sunud sunod na pagsubok na ito?

Abangan 'yan sa fresh at brand new episode na "Liwanag ng Bituin: The Estrella 'Star' Besabe Story," ngayong Sabado, January 29, 8:00 pm sa '#MPK.'

Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa episode sa gallery na ito: