TV

MAGPAKAILANMAN presents “KABANG: Hero Dog”


Nakilala si Kabang bilang “hero dog,” dahil sa kaniyang kabayanihan. Pero nang iligtas niya ang dalawang bata mula sa tiyak na kapahamakan, hindi lang ang mga ito ang binigyan niya ng bagong pag-asa sa buhay.

Hindi mabubuo ang kuwento ni Kabang nang hindi nagsisimula sa buhay ni Rudy, isang simpleng lalake na gustong magsilbi sa kaniyang bayan bilang sundalo--isang pangarap na agad puputulin ng kaniyang inang si Felicisima.

Dahil sa sama ng loob, naglayas si Rudy. Binuhay ang sarili at nagbuo ng kaniyang pamilya malayo sa iniwang ina. Hindi na muling nakita ni Rudy ang kaniyang pamilya, pero biniyayaan naman siya ng panibagong mag-iina sa katauhan ni Cristina at ng mga anak nito. Hindi man lagi masaya ang kanilang pagsasama, kahit papaano ay napupunan ito nina Cristina. Pero hindi niya maalis sa isipan na may kulang pa rin sa buhay niya.

Matapos ng maraming taon ay iisipin ni Rudy na hanapin ang ina niya. Pero dahil sa haba ng panahon, hindi na niya ito muling makikita. Lagi niyang dala ang pangungulilang ito... Hanggang sa nakilala niya si Kabang.

Pulutan ang unang tingin ni Rudy sa aso. Iuuwi niya ito para patabain, bago ihain. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, magiging malapit ang loob ng anak-anakang si Dina kay Kabang.

Magiging parte ng buhay nina Rudy si Kabang. Ito ang magiging bantay ng mga bata sa tuwing kailangan nila itong iwan mag-isa. Pero ano nga lang ba ang kayang gawin ng isang asong-kalye?

Nasagutan ang katanungang ito nang malagay sa panganib si Dina at ang pinsan nito. Sa pagmamadali ng isang motor, muntik nitong tamaan ang mga bata. Pero dahil sa pagharang ni Kabang sa rumaragasang motor, ang aso ang mapupuruhan at makalalayo ang mga bata!

Akala ng lahat ay mapalalampas na ang pangyayari dahil wala namang nasaktan. Hanggang sa makita ng lahat si Kabang... natapyas ang nguso ng aso!

Dahil nahihirapan ang aso, napilitan si Rudy na tuluyan nang putulin ang nakalaylay na nguso ni Kabang. Isang bagay na hindi matanggap ni Dina. Para na rin kasing pinutol ng kaniyang tatay-tatayan ang buhay ng alaga niya!

Hindi namatay si Kabang, pero unti-unti itong nanghina. Unti-unti ring kumalat sa lugar nila, at sa internet, ang kabayanihang ginawa ng asong-kalye. Dumagsa ang napakaraming tulong mula sa iba't-ibang tao para maipagamot ang hero dog!

Sa paglaganap ng balita tungkol kay Kabang, nakakabit rin ang pangalan ni Rudy sa asong bayani. Ito ang magdadala ng pangalan niya sa isang bayan kung saan may isang babaeng naghahanap sa kaniya. Isang babaeng matagal nang nagsisi na hindi siya pinagbigyan sa gusto niya. Ang inang si Felicisima.

Sa pagbigay kay Kabang ng pangalawang pagkakataong mabuhay, ay siya rin naman nabigyan si Rudy ng pangalawang pagkakataong mabuo ang pamilya niya.

Alamin ang buong kuwento nina Kabang at Mang Rudy ngayong Sabado sa Magpakailanman, sa panulat ni Glaiza Ramirez, base sa research ni Jonathan Cruz. “Kabang: Hero Dog” stars Jillian Ward, Snooky Serna, and Mr. Ricky Davao.

Magpakailanman airs Saturday nights, pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko.