
Dalawang taon matapos koronahan bilang Miss Universe Philippines 2020, naging matagumpay rin ang karera ng Ilongga beauty queen na si Rabiya Mateo sa labas ng beauty pageant scene.
Ngayon, abala si Rabiya sa kanyang kabi-kabilang hosting gigs sa GMA, gaya ng TicktoClock, 24 Oras, Unang Hirit, at sa ilang Sparkle events.
Sa "Chika Minute" report sa 24 Oras, sinabi ni Rabiya na hindi nawawala sa kanya ang kagustuhan na mas matuto at maging magaling na host.
Aniya, "Nandoon pa rin yung grit e the fire in you na I still want to learn more para maging magaling na talaga kasi every time na nakakasama ko nga po sina Tita Mel Tiangco, si Miss Vicky Morales, lalo akong nai-inspire na galingan."
Nitong Sabado, October 1, muli namang nasubukan ang talento ni Rabiya sa pag-arte dahil sa kanyang pagganap sa kanyang sariling life story sa real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Masaya naman si Rabiya na makapagbigay inspirasyon sa mga Pilipino gamit ang kanyang sariling istorya pero aminado ang Sparkle talent na hindi naging madali sa kanya ang balikan ang ilang masasakit na pangyayari sa kanyang buhay.
Kuwento niya, "May scene kasi doon na parang kinukuha na 'yung mga appliances namin at before that sabi ko, 'Direk, sandali lang po ha, kakarga lang po muna ako,' kasi iniisip ko siya sa utak ko na, 'Oo nangyari 'to e, totoo talaga 'to, hindi lang 'to basta drama e, na-experience ko 'to, iniyakan ko 'to,' at ngayon parang ise-share ko 'yung istoryang 'yun sa mga Kapuso natin so actually mabigat siya, hindi madaling alalahanin lahat ng pain."
Grateful naman si Rabiya sa tagumpay na kanyang nararanasan ngayon. "Dati nakikinood lang kami ng TV, ngayon ako na 'yung pinapanood sa TV, so 'yung mga simple things lang na ganun parang it makes me so grateful na na-reach ko 'yung point na 'to," saad niya.
May mensahe naman sang beauty queen turned actress sa lahat ng mga nangangarap na maging matagumpay rin sa kanilang buhay.
"'Wag kang bibitaw, lumaban ka, maniwala ka sa pangarap mo na 'yun at gawin mo 'yung mga bagay in the right time there's no shortcut to success talaga, lahat kailangan mong paghirapan. Pawis, dugo, luha kailangan mo talagang ibigay for you to earn that," ani Rabiya.
KILALANIN SI RABIYA MATEO SA GALLERY NA ITO: