TV

Magpakailanman presents 'Sa Kamay ni Misis'


Kapag ang babae ay sinaktan ng kaniyang mister, marami siyang maaaring lapitan: may clinic, may women’s desk, at may pamilya na puwedeng takbuhan para matigil ang karahasan. Pero paano kung ang lalaki na ang sinasaktan ng kaniyang misis? Kanino siya lalapit?

At magagawa ba niyang aminin na isa siyang “Battered Husband?”

Paano kung malaki ang katawan niya kumpara sa balingkinitan niyang asawa?

Nakatatawang isipin, nakatatawang panoorin—pero sa likod ng bawat halakhak ay may hinanakit na nababaon. Hanggang kailan matitiis ng isang lalake ang pangmamaliit ng kaniyang misis?

Sundan ang kuwento ng buhay ng mag-asawang “Eugene” at “Anna;” mula sa kanilang ligawan, sa mabilisan nilang pagpapakasal, at alamin kung paano nauwi ang kanilang matamis na samahan sa kakaibang sakitan. At alamin kung ang kanilang pagsasama ba ay matatapos sa happily ever after, o kung mapuputol ba ang kanilang ‘til death do us part!

Panoorin sina Rodjun Cruz at Kris Bernal sa kanilang una at pinakakakaibang pagtatambal sa episode na pinamagatang “Sa Kamay ni Misis;” sa panulat ni Agnes Uligan, sa pananaliksik nina Karen Lustica at Stanley Pabilona; at sa ilalim ng direksyon ni Andoy Ranay.

“Sa Kamay ni Misis” is Magpakailanman’s first offering ngayong buwan ng mga puso. Abangan ang episode na ito ngayong darating na February 1, Sabado ng gabi, pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko.