
Inamin ng Kapuso leading lady na si Elle Villanueva na sobra siyang natakot sa tuwing sasalang sa taping ng kanyang pinagbibidahang mystery revenge drama na Makiling, kasama ang Kapuso hunk actor at kanyang real-life boyfriend na si Derrick Monasterio.
Sa naturang serye, gumaganap si Elle bilang si Amira, isang dalaga na lumaki mula sa pamilya ng mga manggagamot sa paanan ng bundok Makiling. Siya ay may kababata na naging kanyang kasintahan na si Alex na ginagampanan naman ni Derrick.
Magugulo ang tahimik na buhay ng dalawa nang matuklasan nila ang mahiwagang bulaklak na tinatawag na “Mutya.” Ito kasi ay pilit na aagawin sa kanila ng salbaheng grupo na “Crazy 5” na binibigyang buhay nina Myrtle Sarrosa, Kristoffer Martin, Royce Cabrera, Claire Castro, at Teejay Marquez.
RELATED GALLERY: Sampalan nina Elle Villanueva at Thea Tolentino sa 'Makiling,' totohanan?
Dahil punung-puno ng matitinding pagpapahirap kay Amira ang kuwento ng serye, tila na-absorb na umano ni Elle hanggang sa tunay na buhay ang kanyang karakter.
Kuwento ni Elle sa isang interview, “Personally, hindi ko naman na-experience ang bullying na ganun ka-intense. So, playing this role nararamdaman ko 'yung nararamdaman ni Amira. So, it was really hard for me to move kasi even off-cam. I felt like the world was against me. I felt like a small person.
“But, at the same time parang kailangan kong gawin 'to e. Kailangan kong ipaglaban 'yung sarili ko. Masakit siya sa feeling kasi wala ka namang ginagawang masama bakit ako nilalait-lait at bakit ako sinasaktan.”
Dahil sa kanyang mga pinagdaanan sa taping, hindi napigilan ni Elle na maiyak nang mapanood niya ang full trailer ng Makiling sa media conference ng programa kahapon, January 5.
“Ang dami ko po kasing in-invest na emotions dito na parang halos araw-araw nabu-bugbog ako. Sobrang proud po ako kasi ang ganda ng kinalabasan. Lahat po, ang galing nila,” emosyonal na sinabi ni Elle sa harap ng press.
Dagdag pa ng aktres, “'Yung feeling po na finally it's here at mase-share namin sa inyo and I didn't expect it to be that beautiful. So, I'm just so proud of everyone especially the team behind it.”
Mapapanood ang Makiling sa Lunes, January 8, 4:00 p.m. bago ang Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime. Mapapanood din ito sa GMA Pinoy TV sa parehong petsa.