TV

David Licauco, nais ipakita ang improvement niya sa 'Mano Po Legacy: The Family Fortune'

By Marah Ruiz

Aminado si Kapuso actor David Licauco na nakakaramdam siya ng pressure bilang isa sa lead stars ng much-awaited GMA Telebabad series na Mano Po Legacy: The Family Fortune.

Gayunpaman, ititnuturing daw niya itong challenge para mas mapabuti pa ang kanyang acting.

"Like every teleserye naman, may pressure. 'Yung last teleserye ko which is Heartful Cafe, 'yun 'yung first ever ko na lead sa teleserye, na pressure talaga 'ko doon. Pero siyempre 'yung pressure na 'yun, doon mo ita-try mag-improve. 'Pag may pressure kasi, feeling ko doon ka gagaling," pahayag ni David sa virtual media conference ng serye.

Bago nito, nakatanggap din si David ng isang parangal sa 36th PMPC Star Awards for Movies. Hinirang siya bilang New Movie Actor of the Year para sa kanyang pagganap sa 2019 film na Because I Love You.

Nagsisilbing inspirasyon daw niya ang award na natanggap para pagbutihin pa ang kanyang acting.

"I'm thankful na nabigyan ako ng ganoong award. But siyempre kailangan ko pa ring magtrabaho, mag-practice ng acting, matuto sa mga kasama ko dito sa teleserye. For me hindi naman siya pressure. I'm just grateful na nabigyan ako ng opportunity na ganito and sana next time magkaroon pa ng award kung puwede," lahad ni David.

Confident daw ang aktor sa ipinamalas niya sa Mano Po Legacy: The Family Fortune at umaasa siya na magugustuhan din ito ng mga manonood.

"For this teleserye naman na Mano Po Legacy, medyo mahihirap talaga 'yung role for me kasi marami kang iniisip. Ang daming problems, ang daming family problems [ng character]. Pero I think with the right kind of preparation, kaya naman. I'd like to think na okay 'yung pinakita ko dito sa teleserye," bahagi ni David.



Gaganap si David bilang Anton Chan, ang unang lehitimong anak ng yumaong si Edison Chan at ang inaasahang magmamana ng family business. Gayunpaman, gusto niyang patunayan na karapatdapat siyang maging tagapagmana base sa sarili niyang galing at hindi dahil siya ang paborito at pinapaborang anak.

Abangan ang bagong kuwento ng pag-ibig, pamilya, at tradisyon ng mga Filipino-Chinese sa Mano Po Legacy: The Family Fortune, simula January 3, 2022, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.