TV

Ken Chan, looking forward na gumawa ng panibagong romantic comedy sa 'Mano Po Legacy: Her Big Boss'

By Marah Ruiz

Kilala bilang isang mahusay na dramatic actor si Kapuso star Ken Chan kaya naman looking forward siyang makagawa ng romantic comedy.

Natupad ang hiling ni Ken nong dumating sa kanya ang opportunity na maging bida ng upcoming GMA Telebabad series na Mano Po Legacy: Her Big Boss.

"Second time ko pong gumawa ng isang romantic comedy at looking forward po talaga ako. The first one was 'Meant To Be' with Barbie Forteza. After noon ang mga ginawa ko na, puro heavy drama. Na-excite po talaga ako na gumawa ulit ng romantic comedy and looking forward talaga ko na gumawa ng mga romantic serye," nakangiting pahayag ni Ken.

Sa tingin daw niya, mahalaga ang ganitong mga light-hearted shows lalo na sa panahon ngayon.

"Masasabi ko na excited ako at exciting itong 'Mano Po Legacy: Her Big Boss' kasi alam naman natin na mahirap 'yung pinagdadaanan ng mga tao ngayon because of what's happening. 'Yung pandemya at COVID-19, nandiyan. Nandito ang 'Her Big Boss' para pasayahin naman 'yung mga tao at 'yung mga Kapuso viewers natin," paliwanag ng aktor.

Marami rin daw makaka-relate sa show dahil bukod sa paghahatid ng good vibes, may mahahalagang aral din na mapupulot dito.

"Kapag uuwi sila galing trabaho, pagod sila galing sa mga stressful na araw nila, mapapanood nila ang 'Her Big Boss' na punung puno ng kulay, punung punong ng aral. It's a family-oriented show. It's about love. It's about forgiveness. Kumpletos rekados na 'yung 'Her Big Boss," bahagi ni Ken.

Isang magandang tugon din daw ang show para sa hiling ng viewers ngayon.

"Gusto natin na bigyan 'yung mga Kapuso viewers natin ng excitement, ng aral at ng lighter na series. Nakikita ko at napapansin ko na 'yun din ang hinihingi ng mga tao ngayon. Gusto nilang makapanood ng isang teleserye na magbibigay sa kanila ng inspiration. I think itong 'Mano Po Legacy: Her Big Boss' is a perfect one for them," ani Ken.



Ang "Her Big Boss" ang pangalawang kuwento mula sa Mano Po Legacy, ang serye na tungkol sa pag-ibig, pamilya at tradisyon ng mga Filipino-Chinese.

Makakasama ni Ken dito sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, Pokwang, Teejay Marquez at marami pang iba.

Abangan ang world premiere nito sa March 14, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad!