TV

Tirso Cruz III, pinakamagaling mag-Spanish sa 'Maria Clara at Ibarra'

By Marah Ruiz

Bahagi ang beteranong aktor na si Tirso Cruz III ng upcoming historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.

Siya ang gaganap dito bilang Padre Damaso, ang malupit na prayle.

Dahil sa kanyang role, marami siyang linya na kailangan niyang i-deliver sa salitang Español.

Ayon sa on set Spanish language coach ng programa na si Roven Alejandro, si Tirso raw ang pinakamagaling mag-Español sa buong cast.

Tirso Cruz III with Spanish coach Roven Alejandro on the set of Maria Clara at Ibarra

"Gusto ko lang i-highlight siguro 'yung pag-deliver ni Don Tirso Cruz III. Number one, ang bilis niyang ma-capture 'yung Spanish line, 'yung Spanish pronunciation, 'yung Spanish diction at saka 'yung Spanish intonation," bahagi ni Roven sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com.

Humanga raw si Roven kay Tirso dahil tila nabuhay nito si Padre Damaso.

"May mga time na kailangan lang i-polish pero kapag siya na 'yung nag-deliver, talagang Español na Español na pari na masungit ang mapapanood mo at maririnig mo. Magaling siyang mag-deliver," paglalarawan niya sa beteranong aktor.

May mga suggestions pa nga raw minsan si Tirso na palitan ang mga Tagalog niyang linya para mas mapaganda at maging mas makatotohanan ang mga eksena.

"Siya 'yung madalas na nakakaisip na 'Direk, baka pwede nating gawing Spanish 'to.' Pasok naman kay direk [Zig Dulay]. Sa tingin ko rin, tugmang-tugma rin naman. Once na dineliver na niya, swak na swak talaga na nakakatakot na Padre Damaso na nakakainis, mapang-alipusta, mapang-api," lahad ni Roven.

Pinuri rin niya ang buong cast ng show dahil naging bukas silang matuto ng isang foreign language.

"To begin with, lahat sila ay may kakanayan, nagpakita ng ability and interest na mag-aral ng Spanish as much as they can," kuwento ni Roven.

"Very enthusiastic lahat, nagpapakita ng enthusiasm na mag-aral. I am very happy with the performance. I'm so happy with the delivery," dagdag pa niya.

Abangan si Tirso Cruz III bilang Padre Damaso sa world premiere ng Maria Clara at Ibarra ngayong October 3, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.

SILIPIN DIN ANG EXCLUSIVE BEHIND-THE-SCENES PHOTOS MULA SA MARIA CLARA AT IBARRA RITO: