'Maria Clara at Ibarra,' magkakasamang pinanood ng mga estudyante sa isang paaralan sa Tarlac
Magkakasamang pinanood ng isang grupo ng mga mag-aaral sa Tarlac City ang historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.
Pero hindi ito bahagi ng kanilang leksiyon kundi libangan lang ng mga estudyante habang recess.
Ideya ito ni Charlaine Alyssa D. Sese, Teacher I sa Tibag Elementary School sa Tarlac City. Ibinahagi rin niya ang isang maikling video ng kanyang klase habang nanonood sa kanilang classroom.
"Maganda po talaga at maraming matutunan ang mga bata," paglalarawan niya sa Maria Clara at Ibarra sa isang mensahe sa GMA Drama.
Balak daw niyang ipagpatuloy ang pagpapalabas nito sa kanilang classroom tuwing recess para habang nagpapahinga mula sa pag-aaral ang mga bata, naglilibang at natututo pa rin ang mga ito.
Masaya rin daw siya na may libre at buong episodes ng serye sa YouTube para patuloy itong mapanood ng mga mag-aaral niyang walang telebisyon sa kanilang mga tahanan.
"Hanggang episode 3 na po kami. Excited sila pumasok sa Monday po para manood," kuwento niya.
Likas kay Teacher Charlaine ang pagmamahal sa panitikang Pilipino kaya nais niya itong ibahagi sa kanyang mga estudyante.
"I'm a fan po of Noli Me Tangere kaya kahit ako na teacher na, curious sa palabas," aniya.
Sa episode ng Maria Clara at Ibarra ngayong gabi, October 7, mabubuo ang galit sa puso si Crisostomo Ibarra (Dennis Trillo) dahil sa sinapit ng yumaong ama.
Mapapagtanto naman ni Maria Clara (Julie Anne San Jose) na totoo ang naging babala sa kanya ni Klay (Barbie Forteza).
Patuloy na panoorin ang historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG MGA KARAKTER NA MAPAPANOOD SA MARIA CLARA AT IBARRA DITO: