TV

'Wala po akong limitations' - Marian Rivera on her new show

By SAMANTHA PORTILLO

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Magmula noong Marimar days niya, naipakita na ni Marian Rivera ang kanyang talento sa pagsasayaw. Sumikat ang dance song niyang Sabay Sabay Tayo at pinasikat din niya ang “Bubble Butt” dance. Ano kaya ang kanyang trademark dance move?

Kuwento ng Kapuso Primetime Queen noong press conference ng kanyang upcoming dance show na Marian, hindi na daw siya nag dance workshop para sa programa. Nahasa na raw siya sa pagsasayaw kahit papaano dahil Zumba ang kanyang regular workout.

Kaya naman handang handa na siya para sa Marian, na eere tuwing Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto simula June 21.

Dagdag niya, “Siguro kasi bata pa lang ako, mahilig na talaga akong sumayaw. Sa side ng tatay ko at ng nanay ko, lahat kami sa pamilya, hilig ang pagsasayaw. Nasa dugo ko na talaga ang pagsasayaw.”

Alam na daw ng lahat na sumasayaw siya. Alam ng lahat na magaling siyang gumiling at hindi rin magpapahuli pagdating sa hip-hop. Pero sa Marian, marami daw mga dance routine mismong siya ay nagulat na kaya pala niyang gawin.

“Naniniwala kasi ako na ang pagiging mahusay o ang kagalingan sa isang bagay, gradual ‘yan. Walang nakukuha nang biglaan. Step-by-step hanggang sa makuha mo talaga ‘yung gusto mo. Nandoon ako ngayon,” ani Marian.

Sa Marian, bubuhayin ng Kapuso Primetime Queen ang era ng mga dancing queens na pinangunahan noon nina Vilma Santos, Maricel Soriano at Alma Moreno. May kanya-kanyang iconic dance moves ang mga ito.

Ano naman kaya ang magiging trademark ng isang Marian Rivera?

“Kumbaga sa camera- 360. Ganoon ang gagawin ko. Lahat! Hip-hop, sexy, tumatumbling, hinahagis, pati sa costume, wala po akong limitations,” sagot niya.