TV

Marian Rivera, ibang level ang performance sa “Marian”

By SAMANTHA PORTILLO
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
Ang Marian Rivera na hindi pa nakikita noon ang matutunghayan sa kanyang bagong Saturday primetime dance show na “Marian”.

Bukod sa mga bonggang original production numbers linggo-linggo, magkakaroon ng three to four costume changes ang Kapuso Primetime Queen.

Mapapanood din ang playful side ni Marian sa Playlist segment kung saan magpeperform siya ng tatlong dance hits mula sa iba’t ibang genres.

Mapapanood rin ng mga Kapuso ang dance showdown ng iba’t ibang celebrity dance groups.

Hindi pa diyan nagtatapos ang saya. Sa unang pagkakataon ng kanyang career, magiinterview si Marian ng kanyang celebrity guests. Magpapakitang-gilas talaga si Marian sa kanyang hosting skills.

Kasama niya sa show ang Eat Bulaga resident Dabarkads na si Paolo Ballesteros. Kasama rin ang Kapuso Pop Superstar na si Julie Anne San Jose, na magkakaroon ng sarili niyang musical segment.

Ang Marian ay mula sa direksyon ni Louie Ignacio at punong panulat ni Rommel Gacho. Magsisimula ito sa June 21 pagkatapos ng Pepito Manaloto.

Sa naganap na press conference ng nasabing dance show, ibinahagi ni Marian kung gaano niya kamahal ang pagsasayaw at ang lahat ng taong bumubuo ng show.

“Naniniwala po ako na minamahal ang isang artista depende sa performance niya. Depende rin kung gaano niya minamahal ang mga nasa likod ng camera at naniniwala po ako sa sarili ko na kung gaano ko kamahal ‘yung sarili ko, ganoon ko rin po kamahal yung nasa likod ng camera ko,” aniya.

Super proud at supportive naman daw sa kanya ng boyfriend niyang si Dingdong Dantes.

Ani Marian, “Sobrang happy siya. Isa siguro iyon [na nagpapataatag] sa relationship naming dalawa. Kung anong achievement ang nakukuha ng isa’t isa, masaya kami sa achievement ng isa’t isa.

“Malaki po talaga ‘yung naitutulong na mahal mo ang trabaho mo at nakikita mo ‘yung mga mahal mo sa buhay, pinupush ka pataas at binibigyan ka ng energy para magawa mo ang trabaho mo,” dagdag niya.

Nang tanungin naman siya kung anong klaseng sayaw siya, sinagot ng pinakabagong Dancing Queen ng telebisyon na isa siyang “remix”.

“Remix talaga kasi ang buhay ng tao, hindi naman flat. Maraming pagsubok, minsan may downtime ka, minsan pantay, so ganoon lang din ang musika, hindi mo alam. Sabayan mo lang ‘yung tugtog. Kaya nga may Marian,” anang aktres.

Ayon kay Marian, “Kaya ang tagline namin, ito ang gabi ng Marian, gabi niyo ito at paliligayahin namin kayo. Sana maibigay namin iyan sa audience namin.”