TV

Marian at Bitoy, balak magsama sa isang pelikula?

By SAMANTHA PORTILLO



Ibang klase talaga kapag guests sa Marian ang pag-uusapan. Kung last week, dumalaw sina Ate Vi at Maria, sa second episode naman ay nakakulitan ng Kapuso Primetime Queen ang batikang komedyanteng si Michael V. Totoo bang magsasama sila sa isang pelikula?

Sa kanilang one-on-one interview, unang tinanong ni Marian sa Bubble Gang actor kung saan niya nakuha ang kanyang stage name na Michael V. at nickname na Bitoy.

Aniya, “Beethoven ‘yung totoo kong pangalan, tapos noong high school ako, naging nickname ko ‘yung Bitoy kasi ginagaya ko si Bentot. Si Bentot ay isang batikang komedyante at ‘yun ‘yung character niya, si Bitoy.Ginagaya ko ‘yung boses niya.”

Nakuha naman daw niya ang stage name na Michael V. dahil pinaghalo niya ang pangalan ng dalawang idols niya na sina Michael Jackson at Gary V.

Kinumusta naman ni Marian ang bahay ni Bitoy ngayon sa Quezon City, na napapabalitang napakaganda raw.

Natatawang kuwento niya, “Matino naman. Mas maganda na siyempre kaysa sa tinitirhan namin dati sa Taguig. Tenement housing kasi iyon. Doon ako lumaki. Doon ako nag isang taon kaya siyempre, kagaya ng iba, nangarap. Ako, mataas ang pangarap ko. Umaakyat pa ako sa 8th floor para mangarap.”

Sa kanyang buong career, mahigit 200 personalidad na ang na-impersonate ni Bitoy. Sa lahat ng iyon, pinaka paborito daw niyang gayahin sina dating Presidenteng Gloria Macapagal-Arroyo, Ely Buendia at Manny Pacquiao.

Ayon kay Bitoy, kahit malaki na ang ipinagbago ng kanyang buhay, marami pa rin ang hindi nagbabago sa kanya katulad ng kanyang pagkatao, ang kanyang pagiging mapagmahal at totoo sa sarili. Naniniwala siyang ganito rin si Marian. Bago matapos ang interview ay ginaya ni Michael V. ang kanyang sikat na karakter sa Bubble Gang na si Yna Moran.

Tanong niya sa Kapuso Primetime Queen, “ Sa tinagal-tagal mo sa showbiz, kailan ka ba gagawa ng pelikula kasama si Michael V.?”

Sagot ni Marian, “Depende, kasi hindi ko pa nakakausap si Michael V. Wala pa siyang sinasabi sa akin.”

Ani Yna Moran, “Hamo, ipararating natin. Paki-explain. Labyu!”