TV

Ano ang love advice ni Marian Rivera sa kabataan?

By SAMANTHA PORTILLO
 
Pagbibigay-pugay sa kabataan ang naging tema ng Marian noong nakaraang Sabado kaya’t bisita sa programa ang pinakakinagigiliwang young stars na sina Yassi Pressman, Nadine Lustre at James Reid.

Ano ang payo ni Marian sa kanila pagdating sa pag-ibig?

Pagkatapos sumayaw nina Yassi, Nadine at James sa kanta ng One Direction, nakipagkuwentuhan sila kina Marian at sa co-host ng gabing iyon na si Christian Bautista.

“Truth or Consequence” ang naisip na game nina Marian at Christian at unang sumabak si Yassi, na truth ang pinili.

“May nagpapatibok ba ng puso mo ngayon?” tanong ni Marian.

Sagot naman ni Yassi, “Parang sa ngayon, wala pa naman. Pero siyempre, ready ako (na) mag-love. Love is good. Love is kind.”

Truth din ang pinili ni Nadine.

Tanong naman ni Marian sa kanya: “Ano ang meron si Andre [Paras] na wala kay James [Reid] at ano ang meron si James na wala kay Andre?”

“Kasi si Andre, sobrang pabiro, sobrang joker. Masarap siyang kasama. Palagi siyang nagpapatawa kahit sa amin. Si James din naman, may ganun din siyang side, pero si James kasi mas seryoso,” sagot ni Nadine.

Follow-up ni Marian, “Ano’ng mas gusto mo, seryoso o hindi masyadong seryoso?”

“Parang mas gusto ko ‘yung seryoso eh,” natatawang sagot ni Nadine. Kinilig tuloy ang audience at pati si James, na umakbay sa kanya.

Hindi nakaiwas sa hot seat si James. Tanong ni Marian sa kanya: “Saan ka mas na-a-attract, sa chinita [gaya ni Nadine] o sa mestiza [gaya ni Yassi]?”

“Maybe a mix, parang ikaw, mix,” sagot ni James.

Natawa si Marian sa cute na sagot ni James at minabuting magbigay na lang ng love advice sa mga kabataan.

Ayon sa sexiest dancing queen: “Masasabi ko na mahal ng isang tao ang isang tao kapag natanggap mo ‘yung mga kahinaan niya.”

“Pag love mo di ba, palaging maganda ‘yung nakikita mo. So mas mare-realize mo talagang mahal mo ang isang tao kapag nakikita mo ‘yung pagkakamali niya at pinupunan mo iyon,” dagdag niya.