TV

Wyn at Joey Marquez, nakipagkulitan kay Marian Rivera



By SAMANTHA PORTILLO


Bawat episode, iba’t ibang sorpresa ang hatid sa Marian. Noong nakaraang Sabado, napanood sa unang pagkakataon ang pagsasama ng mag-amang Wyn at Joey Marquez sa iisang dance floor. Ininterview din sila ng Kapuso Primetime Queen pagkatapos ng kanilang performance. Ano kaya ang mga ibinuking nila tungkol sa isa’t isa?

Kuwento ni Wyn kay Marian, kinabahan daw siya sa kanilang unang pagsasayaw onstage ng kanyang ama kahit na hilig niya talaga ang pagsasayaw. Hindi nga raw alam ng daddy niya na bata pa lang siya, hilig na niya ito.

Nalaman lang ni Joey na magaling pala magsayaw ang kanyang anak nang mapadaan siya sa mall at makitang nasa cheer dance competition si Wyn.

“Nahihiya ako kapag nandiyan ‘yung parents ko. Nai-insecure ako. Hindi niya alam na siya ‘yung nagbabayad ng dancing school ko,” natatawang kuwento ni Wyn.

Tinanong naman ni Marian kung kumusta bilang anak si Wyn.

Pabirong sagot ni Joey, “Very sweet siya. Siya ang aking anak na kapag pumasok sa kuwarto, hindi kumakatok, sinisipa niya lang noong araw. At saka hindi siya tumatabi sa amin noong araw.”

Nabanggit naman ni Wyn na dalawang taon siya nagtraining sa Jazz. Dahil dito, naka tiptoe siya lagi kapag nagsasayaw kahit hip-hop pa ang tugtog.

Banat naman ng kanyang ama, “Sa mga pagsasayaw talaga, alam ko lang na ako ang magaling sa pamilya namin. Dalawa ang alam kong sayaw talaga. Sweet at saka very sweet.”

Idinemonstrate naman ni Joey kasama si Marian kung paano gawin ang “sweet” at “very sweet” na dance steps.

May say naman kaya si Joey sa love life ni Wyn?

“Pass,” mabilis niyang sagot.

“Ang mga tatay, seloso talaga. Sa aming mga ama, walang magaling na lalaki para sa aming mga anak na babae. Normal ‘yun,” aniya.

“Sabi ko, you can get into any relationship basta tapos ka nang mag-aral. Tapos na nga siya, pero sabi ko magma-master’s pa siya,” biro niya.

Dagdag niya, “Alam mo, nahihirapan siya kasi ang dami niyang kapatid na lalaki. Seloso lahat. There was one time, may dumalaw. ‘Yung apat na kapatid na lalaki, tinakot ‘yung lalaki. Ako naman, nakangiti lang.”

Si Wyn naman kaya, may say sa love life ng kanyang ama?

Sabi rin ni Wyn, “Pass.”

“Kahit sino naman, okay lang naman, kasi open si Daddy sa amin. Hindi siya naglilihim at inuuna niya talaga ‘yung mga anak niya,” ani Wyn.

Ibinahagi din niya ang pinakaimportanteng aral na natutunan niya mula sa kanyang ama.

Ayon kay Wyn, “Si Daddy kasi, sobrang focused sa lahat ng bagay. Gusto niya, kami ganun din- maging focused sa isang bagay, maging disciplined.”