TV

Mikael Daez, binigyan ng jacket si Megan Young sa una nilang pagkikita?

By Dianne Mariano

Isang nakakakilig na kuwento ang handog nina Kapuso married couple Mikael Daez at Megan Young nang ibahagi nila ang kuwento tungkol sa jacket na pinahiram ng aktor sa beauty queen noong unang pagkikita nila sa isang event.

Sa larong “Pasabog na Chika” ng Mars Pa More kamakailan, isa sa mga tanong na ibinigay sa Ang Lihim ni Annasandra star ay kung ano ang unang move na ginawa nito para pormahan ang Filipina-American beauty.

“Binigyan ko ng jacket,” sagot ni Mikael.

Nakatutuwang sinabi naman ni Pars Kuya Kim Atienza sa aktor, “Para kang si Willie Revillame.”

Ipinaliwanag naman ng celebrity couple ang kanilang cute at nakakakilig na istorya tungkol sa isang jacket na ito.

Kuwento ni Megan, “Long story short, nasa event kami [at sa] backstage sobrang lamig. I was hosting tapos nagmo-model siya, and that was the day we met. “Tapos nakikita niya akong nilalamig, sabi niya, 'Wala pa namang show. Suotin mo muna itong jacket,'”

Dagdag pa ni Mikael, “And that was the very first moment, literal na first moment 'yon.”

Nang tanungin ni Mars host Iya Villania-Arellano kung mayroong pagtingin ang aktor sa beauty queen noong mga panahon na 'yon, nakatutuwang sagot niya, “She was cute.”

“May diary entry siya,” pabirong dagdag naman ni Megan.

Matatandaan na nagkaroon sina Mikael at Megan ng dalawang wedding ceremonies noong nakaraang taon, isa sa Batangas at isa sa Subic.

Alamin ang iba pang nakatutuwang sagot nina Mikael Daez at Megan Young sa “Pasabog na Chika” segment sa Mars Pa More video sa itaas.

Samantala, mapapanood ang Kapuso actor bilang William Benitez sa muling pagbabalik ng Ang Lihim ni Annasandra sa GMA Afternoon Prime.

Para sa mas marami pang celebrity features tulad nito, patuloy na panoorin ang Mars Pa More tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:45 a.m. sa GMA.

Tingnan ang funniest moments nina Mikael Daez at Megan Young sa gallery na ito: