TV

Zoren Legaspi, aprub kay Carmina Villarroel sa 'Mga Lihim ni Urduja'

By Nherz Almo

First time para kay Zoren Legaspi ang gumanap ng dalawang karakter sa isang teleserye sa pamamagitan ng Mga Lihim ni Urduja.

Ayon kay Zoren, pinaghandaan niya nang husto ang pagganap niya bilang Chairman at Maestro sa GMA Telebabad series.

“Yung dual role, first time ko lang ginawa, so I really have to study bawat role para hindi ma-duplicate yung ginagawa ng isa sa isang character. Pinag-aralan ko talaga,” sabi ni Zoren. Sandaling nakapanayam ng GMANetwork.com ang aktor noong nakaraang linggo matapos ang dinaluhan niyang Pru Ride 2023 launch sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Kaugnay nito, umaasa si Zoren na nagugustuhan ng mga manonod ang kanyang pagganap bilang magkahiwalay na leader ng Team Urduja at Team Bounty Hunters.

“I hope it's effective,” nakangiting sabi niya.

Pero maliban sa mga manood, masaya ang aktor dahil aprubado naman ng asawa niyang si Carmina Villarroel ang kanyang pag-arte sa Mga Lihim ni Urduja.

“Pasado naman kay Carmina at saka sa kambal [Mavy and Cassy]. Kung hindi, tutuksuhin ako nun sa bahay araw-araw kapag palpak ang pagganap ko,” natatawa niyang sabi.

Bago ang Mga Lihim ni Urduja, madalas ay drama roles ang mga natatanggap ni Zoren na TV projects. Kaya naman nagustuhan niya ang roles niya ngayon dahil, para sa kanya, extra challenge ang gumanap sa isang action project.

Aniya, “Normally, iniisip nila kapag drama mahirap. Ito, kahit walang drama, it doesn't mean na madali. Medyo mahirap kasi mayroon ka p ring character na ipo-portray, at the same time, kung paano mo bibigkasin mga linya mo.”


Tinanong ng GMANetwork.com kung sino kina Chairman at Maestro ang mas gusto niyang gampanan. Sagot ng aktor, “Mas [interesting] si Chairman kasi first time kong magkaroon ng wig, first time kong gumanap ng medyo kakaiba, kahit yung get up kakaiba, so may enjoy akong gawin.”

Sa tanong naman kung sino ang mas paborito niya sa dalawa, tila nagpahiwatig si Zoren ng isa pang karakter na aabangan.

“Mayroon pang isa,” natatawang sabi niya, Mas misteryoso si Chairman. Pero si Maestro, mayroon ding secret character pang hindi nailalabas. So, parehong nakakaintriga silang dalawa.”

Abangan ang kung ano ito sa Mga Lihim ni Urduja, na mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.

SILIPIN ANG ILANG MGA KAGANAPAN SA SET NG MGA LIHIM NI URDUJA: