
Grateful ang mga bida ng GMA Afternoon Prime series na Mommy Dearest na sina Shayne Sava, Katrina Halili, at Dion Ignacio sa magandang pagtanggap ang suporta ng mga tao sa kanilang serye.
Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com sa GMA Drama Mall Show nitong Linggo, March 30, ipinaabot nina Shayne, Katrina, at Dion ang kanilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap at suporta ng mga tao sa kanilang serye.
“Salamat sa pagmamahal n'yo mga Kapuso, sa suportang binibigay n'yo sa Mommy Dearest, at hindi lang sa atin, sa lahat ng shows ng GMA,” sabi ni Dion Ignacio.
Dagdag pa ni Shayne ay sobra silang kinikilig dahil bawat karakter, minamahal at naiintindihan ng mga manonood, kabilang na kung saan nanggagaling ang karakter ni Camille na si Olive.
“Even nga si Ate Cams, may nakikita akong mga nagco-comment na naiintindihan nila kung bakit siya nagkaganu'n. So, ayun din naman po 'yung isa sa mga goals namin sa Mommy Dearest, na ipaintindi sa mga viewers na hindi lahat na ang masasamang tao. Hindi naman sila pinanganak na masama, may pinanggalingan din sila kung bakit sila naging ganu'n,” sabi ng aktres.
Pagpapatuloy pa niya, “I think na-achieve naman po namin 'yun sa Mommy Dearest at 'yung iba pang mga characters, kung saan sila nanggaling, naiintindihan ng mga viewers namin so natutuwa po ako kasi sinusuportahan po kami at talagang inaabangan.”
Sobrang happy naman si Katrina Halili sa pagtangkilik ng mga manonood sa Mommy Dearest. Pag-amin pa ng aktres, nagpo-promote pa lang sila ng kanilang serye ay excited na silang mapanood ito ng mga tao para sa maganda nitong kuwento.
“Alam naming maganda 'yung story, 'yung ishe-share namin sa mga tao, 'yung mga lessons, and marami ding matututunan. Happy kami na ganu'n nga po 'yung lumabas. Sana tuloy-tuloy,” sabi ng akres.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA BEHIND-THE-SCENES SA NAGANAP NA PHOTOSHOOT PARA SA 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Marami pa umanong dapat abangan sa Mommy Dearest, kabilang na ang bagong karakter ni Camille na si Jade, at pagpasok ni Rocco Nacino bilang isang bagong karakter sa serye.
Ani Katrina, nagsisimula pa lang ang Mommy Dearest dahil “marami pa pong twist na magaganap na ikakagulat nila, na unexpected.”
Abangan ang Mommy Dearest Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.