
Tuluyan nang tinalikuran ni Mookie (Shayne Sava) ang kanyang Nanay Emma (Katrina Halili) sa Mommy Dearest!
Sa mga nakaraang episode ng hit Afternoon Prime series, matatandaang pinadala ni Jade (Camille Prats) si Emma sa mental institution. Nang makatakas ay nakilala naman niya si Logan (Rocco Nacino).
Ngunit sa pagkawala na ito ni Emma, tila nilason na ni Jade sina Danilo (Dion Ignacio) at Mookie at sinabing iniwan na sila nito. Kaya naman, inalok niya ang sarili niya bilang kapalit ni Emma sa buhay nila.
Sa pagbabalik ni Emma, minanipula ni Jade si Danilo para isipin nito na totoong sumama na sa ibang lalaki ang kanyang asawa. Dinala niya si Danilo sa bar ni Logan, kung saan nakita niyang hinalikan ng mayamang businessman ang kamay ng kanyang asawa.
Pinilit magpaliwanag ni Emma kay Danilo, ngunit ayaw na nitong makinig sa kanya. Pag-uwi sa bahay ay narinig ni Mookie ang nangyari, kaya lalong namuo ang galit sa kaniyang puso para sa kaniyang ina.
BALIKAN ANG ILANG BEHIND THE SCENES NG 'MOMMY DEAREST' PICTORIAL SA GALLERY NA ITO:
Sa episode nitong Lunes, May 23, pinilit makipagkita ni Emma kay Mookie sa tulong ni Zayn (Prince Carlos). Ngunit dahil namuo na ang galit kay Mookie dahil sa pag-iwan diumano ng kanyang nanay sa kanila ay hindi na niya matanggap ito.
Sa pag-alis ni Emma, kinausap siya ni Zayn at inudyukan na pakinggan naman ang kanyang nanay dahil maaaring totoo naman ang sinasabi nito, lalo na at lahat ng alam niya ay nakuha niya lang kay Jade.
Ngunit nang handa nang makinig sana si Mookie, narinig niya ang pag-alok ni Logan kay Emma na umalis na lang at iwan na ang kanyang pamilya, bagay na hindi tanggap ni Mookie.
Dahil dito ay tuluyan nang kinamuhian ni Mookie ang kanyang nanay. Ang masakit pa dito para kay Emma, tinanggap na rin ng kanyang anak ang nalalapit na pag-iisang dibdib nina Jade at Danilo.
Mabawi pa kaya ni Emma ang kanyang anak? Abangan ang Mommy Dearest, Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.
Panoorin ang galit ni Mookie kay Emma dito: